Khonghun

Suporta ng publiko sa impeach VP Sara bunsod ng secret fund misuse hindi na ikinagulat ng liderato ng Kamara

28 Views

OrtegaHINDI na ikinagulat ng mga kongresista ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita na suportado ng 41 porsyento ng mga Pilipino ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa dami ng ebidensya kaugnay ng maling paggamit ng confidential funds at pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Ito ang naging reaksyon nina House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun at Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ng makita ang resulta ng survey.

Ayon sa kanila, ipinapakita ng survey ang galit ng publiko sa umano’y maling paggamit ni Duterte sa kabuuang P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim.

“The numbers don’t lie. The public is demanding accountability, and this survey reflects their growing frustration over the glaring irregularities surrounding the Vice President’s actions,” ayon kay Khonghun.

Sinabi ni Khonghun na lumitaw sa mga pagdinig ng Kongreso ang umano’y mabibigat na ebidensya, kabilang ang mga pekeng benepisyaryo tulad ng “Mary Grace Piattos” at mga kahina-hinalang transaksyon na pinaggamitan ng confidential funds ni VP Duterte.

Isinagawa ang survey mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024, kung saan 41 porsiyento ng mga Pilipino ang sang-ayon na ma-impeach si Duterte, 35 porsiyento ang tutol dito at 10 porsiyento ang undecided.

Si Duterte ay nahaharap sa tatlong impeachment complaint sa Kamara, dahil sa umano’y kapabayaan, pagtataksik sa tiwala ng publiko, at paglustay ng pondo ng bayan.

Tinukoy naman si Ortega na ang mga reklamo ay walang kinalaman sa pulitika, kundi nakabatay sa matibay na ebidensya ng kabiguan sa pamamahala at maling ginawa.

“This is about accountability. The evidence against the Vice President is glaring, from the misuse of confidential funds to a pattern of governance riddled with questions. The Filipino people deserve answers, and their support for impeachment shows they are demanding transparency and justice,” paliwanag pa ni Ortega.

Nabunyag sa isang buwang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na kilala rin bilang Blue Ribbon Committee, ang mga iregularidad sa pamamahala ni Duterte ng mga pondo ng gobyerno.

Nadiskubre ng komite na ang mga confidential funds na dapat gamitin para sa mga opisyal na layunin ay ipinasa sa mga hindi awtorisadong tao, tulad ng mga security officers sa halip na manatili sa mga itinalagang special disbursing officers hanggang sa maibigay sa mga otorisadong tumanggap nito.

Napag-alaman pa sa imbestigasyon na may mga umano’y pekeng acknowledgment receipts na inisyu, nilagdaan ng mga pekeng indibidwal tulad ng “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin,” na nakalista bilang mga benepisyaryo ng confidential funds sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.

Kinumpirma din ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang mga rekord ng mga pangalang ito, na nagdulot ng mga pagdududa sa pagiging lehitimo ng mga transaksiyon.

Natuklasan din ng komite na gumastos ang OVP ng P16 milyon upang magrenta ng 34 safe houses sa loob lamang ng 11 araw noong huling bahagi ng 2022, kung saan isa sa mga safe house ay binayaran ng halos P91,000 kada araw.

Bukod pa rito, ang paglalaan ng OVP ng P15 milyon para sa mga youth leadership summit na diumano’y isinagawa kasama ang Philippine Army.

Itinanggi ng mga opisyal ng militar na tumanggap sila ng confidential fund mula kay Duterte, at sinabing ang pondo na ginamit sa programa ay mula sa AFP at mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Khonghun na ang resulta ng survey ay nagpapalakas sa responsibilidad ng Kongreso na panatilihin ang integridad ng proseso ng impeachment.

“The public expects us to ensure that no one is above the law, no matter how powerful they may be,” saad nito.

Idinagdag naman ni Ortega ang mga natuklasan ng Blue Ribbon Committee ay nagpapakita ng malinaw na pattern ng panlilinlang at pang-aabuso.

“Filipinos are watching. They are sending a clear message that leadership should be built on trust, not entitlement. It is now up to Congress to respond to their call for accountability,” giit pa ni Ortega.

“The survey is just the beginning. The evidence is overwhelming, and the Filipino people deserve justice,” ayon kay Khonghun. “No one is above the law—not even the Vice President.”