Martin Speaker Romualdez: Debosyon sa Poong Nazareno

Debosyon sa Poong Hesus Nazareno, patunay ng pananampalataya, pagkakaisa ng mga Pilipino— Speaker Romualdez

13 Views

IPINAABOT ni Speaker Romualdez ang taos-pusong pagbati sa milyun-milyong deboto ng Poong Jesus Nazareno sa taunang pagdiriwang ng kapistahan, na kilala rin bilang Traslascion, sa Quiapo, Maynila.

“Ang Pista ng Jesus Nazareno ay simbolo ng malalim na pananampalataya ng bawat Pilipino. Nawa’y maging ligtas, maayos at puno ng pagkakaisa ang selebrasyon ngayong taon,” ani Speaker Romualdez.

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara ang hindi matatawarang debosyon ng mga Pilipino sa Hesus Nazareno, na nagpapatunay na patuloy na nagbibigay ng pag-asa at pagkakaisa sa mga mananampalataya. Ang Pista, na ginaganap tuwing ika-9 ng Enero, ay paggunita sa paglilipat ng makasaysayang imahen ni Hesus Kristo patungo sa Quiapo Church.

Ang tradisyong ito ay isa pinakapangunahing pagdriwang sa bansa, na nagtitipon ng milyun-milyong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng lipunan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagdiriwang ay higit pa sa isang relihiyosong ritwal; kundi ay isang makapangyarihang simbolo ng pananampalataya at pagkakaisa.

“Ang taunang Traslacion ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pananalig at pagkakaisa bilang isang sambayanan. Ang debosyon na ito ay sumasalamin sa tibay at tapang ng ating pananampalataya,” ayon pa sa pinuno ng Kamara de Representantes na binubuo ng 307-miyembro.

Kinilala rin ng mambabatas ang mga sakripisyo ng bawat deboto, kung saan marami ang naglalaan ng buong taon ng paghahanda para sa okasyong ito, bilang pagpapakita ng pasasalamat at pag-asa.

“The perseverance and dedication of our devotees remind us of the power of faith in overcoming life’s challenges,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Ang taunang prusisyon ng Poong Hesus Nazareno, ay isa sa itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa buong mundo, ay naging espiritwal na sandigan para sa maraming Pilipino na naniniwalang ang pakikilahok sa prusisyon at paghawak sa imahen o sa lubid nito ay nagdadala ng biyaya at kagalingan.

Hinihikayat naman ni Speaker Romualdez ang mga deboto na panatilihin ang disiplina at tiyakin ang isang mapayapang pagdiriwang, pati na rin ang pangangalaga sa kalikasan habang dumadalo sa okasyong ito.

“Panatilihin po natin ang kaayusan sa ating pagdiriwang. Ang ating pananampalataya ay dapat magdala ng pagkakaisa at kalinisan,” ayon pa sa pahayag ng mambabatas mula sa Leyte. “Mahalaga rin po na ating pangalagaan ang kalikasan. Siguraduhin po natin na walang kalat na maiiwan matapos ang Traslacion.”

Dahil sa inaasahang pagdalo ng milyun-milyong deboto sa prusisyon, nanawagan ang Speaker para sa pagtutulungan ng mga organizer, otoridad, at mga makikiisa sa pagdiriwang upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Pinasalamatan din niya ang mga naging pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Maynila at mga opisyal ng simbahan para sa paghahanda sa kapistahan.

“Saludo po ako sa mga opisyal ng simbahan at pamahalaan na walang sawang nag-aasikaso upang maging matagumpay at ligtas ang Pista ng ating Jesus Nazareno,” saad pa ng kongresista.

“Nawa’y patuloy tayong gabayan ng Jesus Nazareno sa ating mga adhikain at pangarap bilang isang bansa,” wika pa ni Romualdez.