Calendar
61% ng Pinoy suportado Quad Comm investigation sa EJKs, POGOs
MAYORYA ng mga Pilipino ang sumusuporta sa imbestigasyon ng quad committee ng Kamara de Representantes sa extrajudicial killings (EJK), iligal na droga at Philippine offshore gaming operation (POGO).
Ayon sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase Group, 61 porsiyento ang pabor sa isinagawang joint investigation ng apat na komite ng Kamara, habang 24 na porsiyento ang hindi masabi kung pabor o hindi.
Tanging 11 porsiyento lamang ang hindi sang-ayon sa naturang imbestigasyon.
Ang survey ay isinagawa mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, 2024, at kinuha ang opinyon ng 2,400 respondents. Ang survey ay mayroong margin of error na ±2%.
Naitala sa National Capital Region ang pinakamataas na suporta sa imbestigasyon na umabot sa 73 porsiyento.
Sumunod ang iba pang bahagi ng Luzon na nasa 66 porsiyento at Visayas sa 59 porsiyento.
Naitala naman ang pinakamababang pagpabor sa imbestigasyon sa 46 porsiyento sa Mindanao, na kilalang balwarte ng pamilya Duterte na isinasangkot sa mga isyu.
Naitala din sa Mindanao ang 30 porsiyento na hindi makapagpasya kung pabor o hindi sa imbestigasyon.
Sa estado ng socio-economic classes, pinakamataas ang suporta ng quad comm sa mga nasa classes ABC na naitala sa 64 porsiyento.
Tinanong din sa survey ang opinyon ng mga respondent kung bakit sila pabor sa imbestigasyon ng quad comm.
Para sa 37 porsiyento, inaasahan nila na matukoy ng quad committee ang mga opisyal ng gobyerno na responsable sa mga EJK, iligal na droga at iligal na operasyon ng mga POGO.
Nasa 27 porsiyento ang umaasa na makagagawa ng batas ang Kongreso mula sa isinasagawang imbestigasyon para matugunan ang isyu ng EJK, iligal na droga at iligal na operasyon ng mga POGO.
Nais naman ng 11 porsiyento na mauwi sa pagsasampa ng kaso at maparusahan ang mga gumawa at nasa likod ng naturang mga krimen.