Mark

Casino agent sa Malabon buy bust dahil sa boga, P1.6M shabu

Edd Reyes Jan 14, 2025
19 Views

ShabuTIMBOG ang 41-anyos na casino agent na may bitbit na mahigit P1.6 milyong halaga ng shabu at baril sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya Lunes ng gabi sa Malabon City.

Ilang linggo ring nagsagawa ng matinding paniniktik at pagmamanman ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay alyas “Mark”, residente ng Tolentino St. Brgy. 88, Caloocan City na kabilang sa talaan ng mga high value individual (HVI) bago siya tuluyang matiklo.

Sinabi ni Col. Baybayan na bagama’t mailap at maingat sa pagbebenta ng shabu ang suspek, nagawa pa ring makipag-transaksiyon ng nakatalagang pulis sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa suspek, dakong alas-10:30 ng gabi sa kanto ng Mango Road at Nangka St., Brgy. Potrero na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Baybayan na may kabuuang 535 na gramo ng shabu ang nakumpiska nila sa suspek na katumbas ng halagang P3,638,000.00, isang kalibre .45 pistola na may kargang limang bala sa nakalagay na magazine, at markadong salapi na kinabibilangan ng isang tunay na P1,000 at 29 na piraso ng P1,000 boodle money.

Hindi naman inaalis ng pulisya ang hinala sa posibilidad na sangkot ang casino agent sa pagsu-supply ng shabu sa ilang mga parokyano sa casino na nahuhumaling sa ilegal na droga kaya’t patuloy na isinasailalim pa siya sa imbestigasyon

Nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act) (Comprehensive Law on Firearm and Ammunition na may kaugnayan sa BP 881 o Omnibus Election Code ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.