Calendar
Mas mahigpit na batas laban sa mga bumibiktima ng mga OFWs suportado ni Magsino
BILANG kinatawan ng OFW Party List sa Kamara de Representantes. Sinusuportahan ni Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang isinusulong na hakbang ng kapwa nito mambabatas na naglalayong magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa mga indibiduwal at grupong bumibiktima at nanlilinlang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWS) kasama na ang kanilang pamilya.
Binigyang diin ni Magsino na sinusuportahan nito ang panukala ng kaniyang kapwa kongresista upang magkaroon ng mas mahigpit na batas bunsod ng kaniyang adbokasiya at krusada laban sa mga tao at grupong walang habas na “nangbu-budol” ng mga OFWs at kanilang pamilya.
Paliwanag ni Magsino na ang mga OFWs ang karaniwang nagiging pangunahing biktima o “easy target” sapagkat ipinagpapalagay ng mga taong nasa likod ng isang “modus-operandi” na malaki ang kanilang kinikita mula sa pagta-trabaho sa ibayong dagat.
Dahil dito, sabi pa ni Magsino na panahon na upang wakasan ang mga panloloko o pang-iiscam ng ilang indibiduwal at grupo na walang pakundangang nililimas ang perang pinagpaguran ng mga OFWs sa ibang bansa. Kung saan ito ay bunga aniya ng kanilang dugo at pawis.
“Ang akala kasi ng mga taong ito na ang ating mga OFWs ay limpak-limpak kung kumita sa abroad. Ang hindi nila alam ay dugo at pawis ang kanilang puhunan para lamang matustusan ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Ako po ay sumusuporta sa panukalang batas na iyan,” wika nito.
Nauna rito, nakatakdang ihain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Rep. Erwin Tulfo ang isang House Bill o “An Act Penalizing Fraud Againts OFWs and Providing Penalties for Violation Thereof” na naglalayong magkaroon ng mabigat na kaparusahan laban sa mga nambibiktima at nanloloko ng mga OFWs at kanilang pamilya.
“Kadalasan ang natatanggap namin sumbong ay mga OFWs na binibiktima ng mga scammer lalo na tuwing uuwi sila sa Pilipinas,” sabi ni Tulfo.