Calendar
Batangas drug store hinimok sundin Admin Order ng DOH
BATANGAS City — Mahigpit na hinihimok ng mga myembro ng Sangguniang Panglungsod ang mga botika at drug stores sa Batangas City na tumalima sa Administrative Order (AO) ng Department of Health (DOH) na nagsasaad na hindi na kailangang iprisinta ng mga senior citizens ang kanilang purchase booklet sa pagbili ng gamot upang mapakinabangan ang 20% discount na itinakda para sa kanila.
Ito ang nakasaad sa resolusyon na iniakda ni Konsehal Nestor Boy Dimacuha na sinusugan ng mga myembro ng konseho sa regular na sesyon noong January 13.
Ayon kay Dimacuha, marami siyang natatanggap na reklamo na marami pa ring drug stores sa lungsod ang nagrerequire ng purchase booklet sa mga senior citizens sa kabila ng kautusang ito ng DOH.
Kapag wala aniyang maipakitang booklet, hindi nagbibigay ng diskwento ang mga ito na isang malinaw na paglabag sa RA 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, ayon pa rin kay Mayor Beverly Dimacuha.
Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nabanggit na AO noong nakaraang taon sa layuning maibsan ang abalang maaaring idulot sa mga pangunahing mamamayan sa pagbili ng mga gamot at prescription products.
Kung dati ay sa booklet inililista ang bilang ng mga gamot na binili ng pasyente, nakasaad sa AO na maaaring isulat na lamang sa prescription o reseta ang mga ito.
Inaasahan na agad na maipatutupad ang naturang resolusyon at mabibigyan ng kopya ang lahat ng pharmacies upang maging guide nila sa mga transaksyon na may kinalaman sa mga senior citizens.