SSS

Sen. Risa: Manggagawa apektado sa pagtaas ng SSS kontribusyon

13 Views

NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros noong Miyerkules sa Social Security System (SSS) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng pagtaas ng kontribusyon.

Ayon sa senadora, lalo lamang nitong babawasan ang sahod ng mga manggagawa na hindi nakakasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Hinimok ni Hontiveros ang hakbang na ito kasabay ng paghain niya ng Proposed Senate Resolution No. 1269 na naglalayong magkaroon ng imbestigasyon ng Senado ukol sa pagtaas ng kontribusyon ng SSS.

“Habang pababa ng pababa ang halaga ng kinikita ng ating mga kababayan nitong mga nakaraang taon, pataas ng pataas naman ang investment earnings ng SSS,” ani Hontiveros.

“Pumalo na sa P100 billion ang net income ng SSS noong 2024, dumami pa ang contributors nang halos 30%, at lumawig pa nga ang fund life nito hanggang 2053. Obvious naman na kayang-kaya ng SSS na huwag munang mangolekta ng increase,” aniya.

Binalaan ni Hontiveros na ang pagpapatupad ng pagtaas ngayong taon ay maaaring magpalala sa pasaning pinansyal ng mga karaniwang manggagawa at ilang bahagi ng middle class.

“Halos wala pa ring ipon ang ilan sa ating mga kababayan dahil sa pandemya at nabawasan pa nga ang halaga ng kanilang kinikita dahil sa inflation. Huwag na muna sanang bawasan ng SSS ang kanilang take-home pay na maliit na nga, mas liliit pa dahil sa contribution hike,” ani Hontiveros.

Dagdag niya, “Inaprubahan ang contribution hike noong 2018 pa, kung kailan wala pa sa isipan nating magkakaroon ng pandemic na hanggang ngayon damang-dama pa rin ng ilan sa atin ang epekto, lalo na pagdating sa ating mga bulsa.”

Binigyang-diin ni Hontiveros na kailangang pag-aralan pa nang mabuti ang SSS contribution hike upang mabalanse ang interes ng mga karaniwang manggagawa at ang actuarial life ng state insurer.

“Huwag muna nating ipatupad ang SSS contribution hike habang pinag-aaralan natin ito ulit. Manatili sanang salbabida ang SSS sa mga panahon ng pangangailangan, imbes na lalo pang magpalubog sa mga miyembro nito,” aniya.