LTFRB

Preventive suspension vs operator ng MPUJ na nakabangga ng tricycle

Jun I Legaspi Jan 15, 2025
16 Views

Driver, pasahero ng trike patay

MAGLALABAS ang LTFRB ng preventive suspension laban sa operator ng modern utility public jeepney na Carmexss TSC matapos masangkot ang isa sa kanilang mga yunit sa banggaan ng isang traysikel, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pasahero at pagkasugat ng ilan pang indibidwal, ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III.

“Nakipag-ugnayan na kami sa LTFRB Region 3 para isagawa ang imbestigasyon. Binigyan ko sila ng 15 araw para magsumite ng resulta ng imbestigasyon,” pahayag ni Guadiz.

“Maglalabas kami ng preventive suspension upang hindi maapektuhan ang kasalukuyang imbestigasyon,” dagdag pa niya.

Ayon sa ulat ng pulisya, noong Enero 14, 2025, bandang alas-2 ng hapon, sinasabing nag-overtake ang MPUJ at dahil dito ay nabangga ang paparating na traysikel.

Dahil sa lakas ng banggaan, parehong nahulog sa tulay ang dalawang sasakyan, na nagresulta sa pagkamatay ng drayber ng traysikel at isa sa tatlong pasahero nito.

Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang pasahero ng traysikel at mga pasahero ng jeep, na karamihan ay mga estudyante.

Ayon sa LTFRB, sa oras na maipatupad ang preventive suspension, hindi papayagang bumiyahe ang nasabing yunit sa loob ng 30 araw habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.

Pinaalalahanan ni Guadiz ang lahat ng operator at drayber ng pampublikong sasakyan na mahigpit na sumunod sa mga batas at regulasyon sa trapiko upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada.

“Ang reckless driving ay hindi lamang naglalagay sa peligro ng buhay kundi nagdudulot din ng mabigat na parusa, kabilang ang preventive suspension at posibleng pagbawi ng prangkisa,” ani Guadiz.

“Hinihikayat namin ang mga operator na palagiang bantayan ang pagsunod ng kanilang mga drayber sa mga pamantayan ng kaligtasan sa kalsada upang maiwasan ang ganitong klaseng trahedya.”