6 tigok matapos tricycle mahulog sa irigasyon sa NE

Steve A. Gosuico Jan 18, 2025
25 Views

STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Trahedya ang sinapit ng isang magkaka-mag-anak sa bayang ito nang aksidenteng masira ang tricycle na lulan ng 10 pasahero pauwi at mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at tuluyang mahulog ang sasakyan sa patubig-kanal na ikinasawi ng tatlong bata kabilang ang babaeng driver at dalawang iba pa na nagtangkang iligtas sila mula sa pagkalunod sa tubig.

Ligtas naman ang apat na bata na kasamahan ng mga biktima sakay ng tricycle.

Naganap ang malagim na aksidente nitong Huwebes sa Sitio Dela Rosa, Bgy. Baloc alas-5 ng hapon mahigit tatlong oras bago maiulat ito sa pulisya dakong alas-8:35 ng gabi.

Napatay si Angelica Cinense, 34, driver ng sinasakyang Kawasaki Bajaj tricycle na nalunod matapos mabali ang tricycle at bumulusok sa irigasyon.

Ang iba pang nalunod ay sina Rengie Cinense, 8, Queen Joy Arciaga, 7, Rhian Cinense, 6, mga taga-Sitio Buted, Bgy. Malayantoc dito.

Ang dalawa pang kasamahan ng mga biktima na parehong nasa hustong gulang ay nalunod din habang sinusubukang iligtas ang mga ito. Kinilala ang mga nasawi na sina Fernando Maducduc, 59, at Joel Trinidad, 49, kapwa ng Bgy. Baloc, Santo Domingo, Nueva Ecija.

Nailigtas na buhay ang tatlong babae at isang lalaki na kinilalang sina Queenie Arciaga, 10; Jeannie Arciaga, babae, 7; Jazzy Cinense, babae, 9, at King Jay Arciaga, 10, pawang residente ng Sitio Buted, Bgy. Malayantoc.

Sinabi ni Nueva Ecija police information chief Captain Noemi Gogotano na nangyari ang aksidente nang ang mga biktimang sakay ng tricycle ay pauwi ng bandang alas-5 ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon na nangyari ang sakuna nang aksidenteng mabali ang metal bar na nagdudugtong sa motorsiklo sa sidecar nito, na nagresulta sa pagbaklas sa katawan ng sidecar mula sa motorsiklo.

Nagdulot ito ng pagkawala ng kontrol sa manibela ng driver at bumulusok ang sasakyan sa bukas na kanal at nalunod ang ilan sa mga biktima.

Sinabi ni Gogotano na patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.