Calendar
Dagdag presyo kada litro ng petrolyo inanunsiyo
TATAAS na muli ang halaga ng gasolina, diesel, at kerosina, simula Martes ng umaga matapos i-anunsiyo ng mga kompanya ng langis, Lunes ng umaga, ang malakihang dagdag presyo kada litro ng mga petrolyo.
Sa magkakahiwalay na anunsiyo ng mga dambuhalang kompanyang Petron Corporation, Pilipinas Shell, at Chevron Philippines Inc., pati na ang maliit na kompanyang Seaoil Philippines at Flying V, P2.10 kada litro ang itataas sa presyo ng diesel, P1.50 sa gasolina, at P1.20 sa gaas o kerosina, simula alas-6:01 ng Martes ng umaga.
Ang dalawa pang malaking kompanya na PTT Philippines at Total Philippines na hindi nagbebenta ng kerosina ay nag-anunsiyo rin ng kahalintulad na pagtataas sa presyo ng kanilang diesel at gasolina, gayundin ang mga maliliit na kompanyang Petro Gazz, Unioil Philippines, Phoenix Petroleum at Eastern Petroleum simula alas-6 din ng umaga habang ang Clean Fuel ay alas-4:01 ng hapon.
Sinabi ni PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian na nakabatay ang malakihang dagdag presyo ng mga lokal na produktong petrolyo sa galaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan dahil lahat ng mga lokal na produkto ng langis ay inaangkat sa ibang bansa.