Calendar
Pagtugon ng DMW sa pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait, ikinagalak
BILANG kinatawan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kamara de Representantes. Nagpahayag ng kagalakan si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino kaugnay sa pagtugon ng Department of Migrant Workers (DMW) para resolbahin ang problema tungkol sa pagpapadala ng mga Pilipinong Migrant workers sa Kuwait.
Nauna nang inihayag ng DMW na kasalukuyan na nitong pinag-aaralan ang mga panununtunan hinggil sa pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait matapos ang insidente ng pagkamatay ng dalawang Filipina dito upang matiyak na magkakaroon ng proteksiyon ang iba pang manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Pinapurihan naman ni Magsino si DMW Sec. Hans Leo J. Cacdac makaraang ipahayag nito na sinusuri na ng ahensiya ang deployment policies na naglalayong makapagtakda ng mga kinakailangang hakbang sa pamamagitan ng paghihigpit kabilang na ang pagdaragdag ng mas mahigpit na panununtunan.
Sinabi ni Magsino na ang hakbang na ikasa ng DMW ay para mabigyan ng proteksiyon ang mga OFWs sa Kuwait upang tiyakin ang kanilang kaligtasan kasunod ng pagkamatay nina Jenny Alvarado at Dafnie Nacalaban na natagpuang patay.
Iminumungkahi rin ng kongresista sa DMW na kailangan nitong masusing rebyuhin ang deployment policies kasabay ng pagrerepaso sa kasalukuyang kalagayan ng iba pang OFWs sa Kuwait upang alamin kung nakakaranas din sila ng mga pang-aabuso.
Aminado naman si Magsino na napaka-delikado talaga ang pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait kasunod ng naganap na pangyayari kina Alvarado at Nacalaban. Kung saan, ipinagbabawal na aniya ng DMW ang deployment ng mga first-timer OFWs o mga Pilipinong walang karanasang magtrabaho sa ibang bansa lalo na sa isang Arab country.