Recruit

4 biktima sana ng human trafficking  nasagip ng BI

Jun I Legaspi Jan 24, 2025
17 Views

NAILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na biktima ng human trafficking nitong Enero 22, ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Detalyado ng mga miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang pagliligtas sa mga biktimang may edad na 28, 31, 35 at 43, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Una nilang ipinahayag na mga officemates sila na naglalakbay sa Hong Kong para magbakasyon.

Sa huli, inamin nilang hindi sila officemates at isang travel agency ang nagbigay sa kanila ng mga pekeng dokumento upang magmukhang mga lehitimong turista.

“We suspect that they are being sent to work as entertainers abroad. Inamin nilang nagbayad sila ng P30,000 sa kanilang travel agency na nagbigay ng mga pekeng kwento at dokumento para sa kanila,” dagdag ni Viado.

Ayon kay Viado, tatlo sa apat na biktima dati nang ilegal na nagtrabaho bilang mga entertainer sa ibang bansa bago bumalik sa Pilipinas.

Isa pa nga ang umamin na nakapaglakbay ng ilegal gamit ang isang maliit na bangka sa katimugang bahagi ng bansa noon upang makaiwas sa inspeksyon ng immigration at magtrabaho sa ibang bansa.