Calendar
PNP colonel kasama sa mga nasawi sa Washington plane crash
ISANG opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nasa opisyal na misyon sa United States ang kabilang sa mga nasawi sa bumagsak na eroplano sa Potomac River, Washington, ayon sa sources ng Journal Group nitong Enero 31.
Kinilala ang biktima na si Col. Pergentino N. Malabed Jr., hepe ng Supply Management Division ng PNP Directorate for Logistics. Siya ay 51-anyos at miyembro ng PNP Academy “Kabalikat” Class of 1998. Nasa Amerika siya upang magsagawa ng inspeksyon sa mga kagamitang bibilhin ng PNP.
Ayon sa kanyang mga kaklase, labis silang nalungkot sa trahedyang sinapit ng opisyal. “We hope that his body will be immediately recovered from the icy Potomac River so we can help arrange the return of his remains to the country,” ani ng isa sa kanila.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño na ikinagulat nila ang balitang pagkamatay ni Malabed.
“The Philippine National Police mourns the tragic loss of Police Colonel Pergentino N. Malabed… His untimely passing is a profound loss to the PNP, where he served with honor, integrity, and dedication throughout his career,” aniya.
Dagdag pa niya, tutulong ang PNP sa pamilya ng opisyal upang maibalik ang kanyang labi sa Pilipinas.
Base sa ulat, nagpunta si Malabed sa India noong Enero 22 kasama ang isang pulis at isang non-uniformed personnel upang suriin ang 2,675 bullet-proof vests na bibilhin ng PNP. Matapos ang inspeksyon, nagdala sila ng limang bullet-proof vests sa US para sa karagdagang testing.
Matapos nilang umalis sa Kansas noong Enero 27, nagtungo si Malabed sa Washington, D.C. upang magbigay ng exit call kay Col. Moises Villaceran, PNP attaché sa Washington, bago ang kanyang nakatakdang pag-uwi sa Pilipinas sa Pebrero 2.
Kinumpirma ng pulisya sa Washington na kabilang si Malabed sa 30 na nasawi sa insidente matapos makita ang kanyang mga dokumento, kabilang ang kanyang passport. Gayunpaman, iniimbestigahan pa kung ang kanyang katawan ay kasama sa mga natagpuan.
Ayon kay Tuaño, lilipad patungong Washington ang misis ni Malabed na si Rio upang opisyal na kilalanin ang kanyang labi, alinsunod sa protocol ng mga awtoridad doon.
Bago ang kanyang posisyon sa Directorate for Logistics, naging director si Malabed ng Philippine Public Safety College’s Institute Training Group at deputy director ng National Police Training Institute.
Naging bahagi rin siya ng PNP Program Management Office, na ngayon ay tinatawag na Center for Police Strategy Management, na tumutok sa pagpapatupad ng mga mahahalagang polisiya at programa ng PNP.
Bilang isang beteranong opisyal, isa siya sa mga nanguna sa malalaking procurement programs ng PNP upang mapalakas ang kakayahan ng kapulisan sa paggalaw, pagbaril, pakikipagkomunikasyon at imbestigasyon.
Nagsimula na ang imbestigasyon sa trahedya kung saan sumalpok ang American Airlines Bombardier jet sa isang US Army Black Hawk helicopter malapit sa Ronald Reagan Washington National Airport noong Miyerkules ng gabi.
Base sa wire reports, 67 ang kabuuang bilang ng mga nasawi. Ayon kay US Senator Maria Cantwell, kabilang sa mga biktima ang mga mamamayan mula sa Russia, Germany at Pilipinas.
Ang Bombardier jet ay may 60 pasahero at apat na crew members nang bumagsak ito sa Potomac River matapos ang banggaan sa Black Hawk helicopter.
Sa ngayon, patuloy ang mga awtoridad sa pagsisiyasat sa insidente at sa retrieval ng labi ng mga nasawi.