Calendar
“Anong petsa na?” Akbayan solon gigil na sa impeachment ni VP Sara
SA gitna ng pagtitipon-tipon ng libu-libong indibidwal sa makasaysayang People Power Monument noong Biyernes, nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña sa liderato ng Kamara de Representantes na aksyunan na ang impeachment complaints na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Cendaña, endorser ng unang complaint na inihain sa Kamara, ang bawat araw na lumilipas ay pagtakas ni VP Duterte sa kanyang pananagutan sa maling paggamit ng pondo ng bayan.
“Anong petsa na? Matatapos na ang Enero, wala pa ring aksyon ang Kongreso sa mga impeachment complaints. Magpapatalo at magpapasindak ba ang Kongreso kay Sara at sa kanyang chicheryang mga palusot?” tanong ni Cendaña.
“The time has come to take decisive action and finally impeach the Vice President. Habang nakaupo pa siya, hinahayaan nating mamayani ang pandarambong sa ating gobyerno,” saad pa nito.
Hiniling ng mambabatas sa mga kasama nito sa Kamara na bigyang prayoridad ang pambansang interes kaysa sa usaping pampulitikal.
“Ang dapat mangibabaw ay ang ating moral at pambansang obligasyon, hindi ang pangamba sa darating na halalan. Hindi tayo dapat nagpapaapekto sa bilang ng botong madadagdag o mababawas kung susuportahan natin ang impeachment. We must uphold our constitutional mandate to revoke the powers of abusive government officials,” wika pa ni Cendaña.
Nagbabala rin si Cendaña sa publiko na huwag kumagat sa tangka ng kampo ni Duterte na ilihis ang isyu mula sa mga impeachment complaint.
“We congratulate all Filipinos who mobilized today to call for Sara Duterte’s removal and to stand against corruption. But let us not be complacent. Let us remain vigilant against the Dutertes’ attempts to twist the narrative and undermine the call for justice and accountability,” sabi ni Cendaña.
Dumalo sa rally — na may temang “A Gathering for Accountability: Impeach Sara!” — ang mga complainant ng una at ikatlong impeachment complaints, gaya ng Tindig Pilipinas, Akbayan Party-list, si Fr. Joel Saballa, si Fr. Bong Sarabia, ML Partylist, si Magdalo Party-list Second Nominee Eugene Gonzales, si Kiko Aquino Dee, EveryWoman, August Twenty-One Movement (ATOM), SIKLAB, Nagkaisa Labor Coalition, Kalipunan, Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), ASAP, Akbayan Youth at marami pang iba.
Isang misa rin ang idinaos sa pangunguna nina Fr. Bong Sarabia at Fr. Joel Saballa, na sinundan ng mga testimonya ng mga impeachment complainant, pahayag ng mga pangunahing political at sectoral leader, at cultural presentations.