Calendar
Pagsasabatas ng Batang Magaling Act isinsulong
SA gitna ng inaasahang pagpapatupad ng revised Senior High School (SHS) curriculum, umaasa si Senador Win Gatchalian na mapapaigting ang kahandaan ng mga SHS graduates pagdating sa trabaho.
Inanunsyo kamakailan ng Department of Education (DepEd) na ipapatupad ang revised SHS curriculum simula School Year 2025-2026. Sa ilalim ng bagong curriculum, babawasan ang mga core subjects mula 15 pababa sa lima hanggang pito. Sa ilalim ng bagong curriculum, magkakaroon ng kalayaan ang mga paaralang mag-aalok ng mga elective upang mas makapamili ang mga mag-aaralan ng mga subjects para sa kanilang specialization.
Isinusulong naman ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na layong iangat ang kahandaan ng mga SHS graduates pagdating sa trabaho. Sa ilalim ng naturang panukala, patatatagin ang ugnayan sa pagitan ng mga curricular offerings ng mga paaralan, work immersion component ng SHS, at mga market needs na tutukuyin ng mga katuwang sa industriya at mga ahensya ng gobyerno.
Nakasaad sa Batang Magaling Act ang paglikha ng National Batang Magaling Council na patatatagin ang ugnayan sa pagitan ng SHS curriculum at pangangailangan ng mga industriya. Magiging bahagi ng council ang DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at Union of Local Authorities of the Philippines. Magkakaroon din ng mga Local Batang Magaling Councils sa mga munisipyo, siyudad, at mga probinsya.
Upang lalo pang paigtingin ang kahandaan ng mga SHS graduates, lalo na sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, isinusulong ni Gatchalian na maisabatas ang libreng national competency assessments para sa pagkakaroon ng national certifications. Matagumpay na naisulong ni Gatchalian ang paglalaan ng P275.86 milyon sa ilalim ng 2025 national budget para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa SHS-TVL. Sa ilalim ng Batang Magaling Act, layon ni Gatchalian na maging institutionalized ang mga libreng assessment para sa mga SHS graduates.
“Mahalagang matupad natin ang pangako ng K to 12 na maging handa sa trabaho ang mga magtatapos nito. Ngayong nirereporma natin ang senior high school, mahalagang makita ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang ang benepisyo ng programang ito para sa kanila, lalo na pagdating sa paghahanap ng magandang trabaho,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.