Cameron

BI agents inaresto Cameroon nat’l na wanted sa pandaraya

Jun I Legaspi Feb 1, 2025
14 Views

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Cameroon national na wanted dahil sa pandaraya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 27.

Naaresto si Oscar Ogie Mbang, 52, nang ma-intercept ng mga immigration officers matapos dumating sakay ng Philippine Airlines flight mula Singapore.

Inaresto ang African matapos lumabas sa automated derogatory check system ng bureau na kabilang siya sa blacklist at watchlist order na inilabas ng BI noong Agosto 2019 matapos magsampa ng reklamo ng deportasyon laban sa kanya dahil sa pagiging hindi kanais-nais.

Inisyuhan din ang Cameroonian ng hold departure order (HDO) noong Oktubre 2020 ng Parañaque City regional trial court matapos akusahan ng pandaraya dahil sa panlilinlang sa isang creditor.

Ayon kay Ferdinand Tendenilla, acting chief ng BI’s border control and intelligence unit (BCIU), dinala si Ogie sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at mananatili siya doon habang hinihintay ang resolusyon ng kanyang mga kaso.

Sinabi ni Tendenilla na kung mapatunayang nagkasala, kailangang unang magsilbi ng African ng kanyang sentensya sa korte bago ma-deport ng BI at ipagbawal ng permanente sa pagpasok muli sa bansa.