Just In

Calendar

February 2025
M T W T F S S
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
2425262728  
Rider

Marilaque gagawing ‘safe for all’ ng LTO, PNP, riders

Jun I Legaspi Feb 2, 2025
15 Views

NAKIPAGSANIB-puwersa ang Land Transportation Office (LTO) sa Philippine National Police (PNP), iba’t-ibang grupo ng motorcycle riders at iba pang stakeholders upang gawing ligtas sa mga motorista ang ilang bahagi ng Marilaque Road.

Noong Linggo, pinangunahan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II at Sen. JV Ejercito ang motorcade na naglalayong ipalaganap ang kampanyang “Make Marilaque Road Safe Again.”

Noong nakaraang taon, inilunsad ng LTO ang “Stop Road Crash” campaign bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa lansangan at bilang suporta sa adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime Bautista para sa kaligtasan ng lahat ng motorista.

Batay sa ulat ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), may naitalang humigit-kumulang 31,000 na aksidente sa kalsada sa buong bansa noong 2024 at nagresulta sa 2,747 na nasawi.

Ayon pa sa PNP-HPG, 47,206 na sasakyan ang sangkot sa mga aksidente noong 2024—mahigit 15,000 sa mga ito motorsiklo at mahigit 17,000 mga 4-wheel na sasakyan.

“Ang isang buhay na nawala dahil sa aksidente isa nang napakarami. Kaya naman, patuloy nating isinusulong ang road safety.

Isa sa mga pangunahing layunin natin ngayong taon mabawasan ng hindi bababa sa kalahati ang bilang ng mga aksidenteng naitala noong 2024,” dagdag ni Mendoza.

Ayon kay Asec Mendoza, maraming grupo at personalidad mula sa motorcycle-riding community ang nagpapahayag ng suporta upang gawing ligtas hindi lamang ang Marilaque Road kundi pati na rin ang lahat ng kalsada sa bansa.

“Napakaaktibo ng mga pribadong sektor, pati na ang mga malalaking kumpanya, kaya’t gagamitin natin ang pagkakataong ito upang isulong ang ating layunin na gawing ligtas ang ating mga kalsada,” ani Asec Mendoza.

Para sa edukasyon at pagsasanay, sinabi niyang gagamitin nila ang mga pangakong suporta mula sa pribadong sektor upang magbigay ng kinakailangang training at maabot ang mas maraming motorista sa buong bansa.

Sa panig ng LTO, sinabi ni Asec Mendoza na lalo pang paiigtingin ang mga proseso sa pag-apruba ng driver’s license upang matiyak na may sapat na kaalaman at kakayahan ang mga nagmamaneho sa kalsada.