Riders

Mga “kamote riders” na pasikat at pabida sa lansangan, dapat tanggalan na ng lisensiya – Valeriano

Mar Rodriguez Feb 3, 2025
19 Views

ValerianoDAHIL walang kadala-dala ang mga pasaway na motorcycle riders na tinaguriang “kamote riders” bunsod ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga ito. Binigyang diin ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na dapat tanggalan na ng lisensiya ang mga MC riders na pasikat, pabida at takaw aksidente.

Ang pahayag ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairman ng Committee on Metro Manila Development, ay kaugnay sa kontrobersiyal na akidenteng naganap sa Marilaque Road sa Tanay Rizal matapos magkaroon dito ng malagim na aksidente na ikinasawi naman ng isang motorcycle rider.

Sinabi ni Valeriano na naiwasan sana ang nangyaring aksidente sa Marilaque Road kung naging maingat lamang sana ang nag-viral na motorcycle rider at hindi ito nagpasikat sa mga manonood pamamagitan ng pagsasagawa nito ng mapanganib na “Superman stunt” na humantong sa pagkamatay ng kapwa nito rider.

Pagdidiin ng kongresista na pauli-ulit na lamang ang mga ganitong aksidente sa lansangan na kagagawan ng mga MC riders na walang ingat sa kanilang pagmamaneho sa kabila ng napaka-peligrong dulot pagmo-motor subalit mistulang hindi sila nadadala.

“May mga naulat na dati tungkol sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga nagmo-motor. Subalit ang nakakalungkot ay parang balewala lamang sa kanila. Kaya ang dapat sigurong gawin ay kailangang magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa kanila,” wika nito.

Iginigiit ni Valeriano na panahon na upang mas maging mahigpit ang batas o kinakailangang lagyan ito ng pangil upang hindi na muling maulit pa ang trahedyang nangyari sa Marilaque Road, Tanay Rizal sa pamamagitan ng pagpapataw ng napaka-bigat kaparusahan laban sa mga nagpapasikat o mga riders na nagpapamalas ng napaka-delikadong stunt.