Dy

Dy pinapurihan paghihigpit ng LTO laban sa mga “kamote riders”

Mar Rodriguez Feb 3, 2025
17 Views

PINAPURIHAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V ang Land Transportation Office (LTO) dahil sa gagawin nitong paghihigpit laban sa mga tinaguriang “kamote riders” o mga pasaway na motorcycle riders na pinagmumulan ng kaliwa’t-kanang aksidente sa lansangan.

Binigyang diin ng House Deputy Majority Leader na tanging ang LTO lamang ang may kakayahang supilin ang mga MC riders na masyadong mapangahas ang mga ginagawa sa lansangan katulad ng pangyayari kamakailan sa Marilaque Road sa Tanay Rizal.

Sinabi ni Dy na hindi sana dapat nangyari ang malagim na aksidente sa Marilaque Road kung isina-alang-alang lamang ng nag-viral na MC rider ang kapwa nito rider o hindi ito nagpamalas ng napaka-delikadong “Superman stunt” na humantong sa trahedya.

Pagdidiin pa ni Dy na nakakalungkot lamang sapagkat may mga “pasaway” na MC riders ang mas binibigyan pa ng halaga ang pagba-viral nila sa social media habang gumagawa ng delikadong stunt sa halip na unahin nila ang kaligtasan at kapakan ng kapwa nila rider.

Ikinadismaya din ng kongresista na ang sanhi ng kamatayan ng isa pang rider sa Marilaque Road ay bunga lamang ng “kayabangan” at pagpapasikat na dapat sana ay naiwasan kung hindi umano pinairal ng nag-viral na MC rider ang kaniyang kayabangan.

“Ang masama kasi nito eh’ may mga nadadamay na inosenteng tao. Kung makikita mo kasi yung video may mga manonood ang nadamay na hindi naman dapat, ang nangyari kasi eh’ mas pinairal yung kayabangan. Gusto niyang sumikat pero humantong sa aksidente,” panghihinayang na pahayag ni Dy.