Magsino

OFW Party List pinangunahan pamamahagi ng ayuda sa mga estudyante sa Baguio City

Mar Rodriguez Feb 4, 2025
15 Views

TULOY-TULOY ang paglilingkod ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino hindi lamang para pagsilbihan ang interes ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kundi pati na rin ang paghahatid ng serbisyo para sa mga mahihirap na estudyante.

Ito ay matapos pangunahan ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pamamahagi ng tulong para sa libo-libong mahihirap na mag-aaral sa Baguio City sa pamamagitan ng Tulong Panghanap-buhay sa ating Disadvantage / Displaced Workers (TUPAD) program.

Ipinaliwanag ni Magsino na inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang “Tulong Eskwela Program” na naglalayong matulungan ang mga magulang ng mga senior highschool students na pasok sa pamantayan bilang benepisyaryo ng TUPAD.

Sinabi ng kongresista na sa pamamagitan ng tulong na ibinigay ng DOLE at ni Baguio City Lone Dist. Rep. Mark Go. Naisakatuparan ng OFW Party List ang pamamahagi nito ng TUPAD para sa tinatayang 358 magulang na sumailalim sa orientation.

Ayon kay Magsino, nauunawaan nito ang kalagayan ng mga magulang na nahihirapan sa pagpapa-aral ng kanilang mga anak. Kaya minabuti umano ng OFW Party List na magsagawa ng ayuda program upang matulungan silang maibsan ang kanilang nararanasang hirap.

Samantala, muling nananawagan si Magsino sa pamahalaan kaugnay sa napipintong pag-uwi sa bansa ng tinatayang 220 OFWs na nabigyan ng pardon sa United Arab Emirates (UAE) noong nakaraang taon.

Magugunitang binigyan ng pardon ni UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan ang mga naturang OFWs na nahaharap sa iba’t-ibang kaso na itinaon naman sa okasyon ng ika-53 National Day ng UAE noong nakaraang Disyembre 2, 2024.