Calendar
![DMW](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/DMW.jpg)
DMW pinasara 4 na sangay ng Japanese learning center
IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang punong tanggapan at apat na branches ng Hikari Japanese Learning Center Corp, isang language at culture learning center na ilegal na nag-aalok ng trabaho sa Japan.
Ayon kay DMW Secretary Han Leo Cacdac, layunin ng pagpapasara ng nasabing learning center na maprotektahan ang mga nais maging OFW mula sa mapagsamantalang illegal recruiters.
Sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at kapulisan, isinara ng DMW ang punong tanggapan ng Hikari Japanese Learning Center Corp sa Panabo City, Davao Del Norte, pati na rin ang apat nitong sangay sa Lungsod ng Maynila, Rosario, Cavite, Davao City, at General Santos.
Ang Hikari Japanese Learning Center, na walang kinakailangang lisensya at awtorisasyon mula sa DMW, nag-aalok ng iba’t-ibang trabaho sa Japan sa mga sektor tulad ng hotel at restaurant service, food processing, caregiving, pagsasaka, at food and beverage manufacturing sa ilalim ng Technical Internship Training Program (TITP) at kalaunan ay sa Specified Skilled Worker Program (SSWP).
Batay sa serye ng pagsisiyasat na isinagawa ng MWPB, hinihikayat ng Hikari ang mga aplikante na sumailalim sa apat na buwang language training kapalit ng bayad na P33,710 na maaaring bayaran ng hulugan.
Matapos makapasa sa JFT/JLPT N4 at PROMETRIC Specified Skilled Worker Tests, inirerekomenda ang mga pumasa sa mga kaanib na ahensya ng Hikari para sa screening at posibleng deployment.
Mahaharap sa kasong illegal recruitment ang pamunuan ng learning center, at ang lahat ng opisyal nito isasama sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW.
Hinihikayat ng DMW ang mga nabiktima ng Hikari na makipag-ugnayan sa MWPB sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/dmwairtip, email [email protected], o sa kanilang hotline number na +63 2 872.