Calendar
Bumagsak na eroplano ginamit para sa intel support ng US
KINONTRATA ng United States Department of Defense ang pribadong eroplano na bumagsak sa Barangay Malatimon, Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Huwebes ng hapon na ikinasawi ng apa na dayuhan.
Ito ang kinumpirma ng U.S Indo Pacific Command kung saan sinabi ng mga ito na ang aircraft ay ginamit para sa intelligence, surveillance at reconnaissance support alinsunod sa kahilingan ng Pilipinas.
“The aircraft was providing intelligence, surveillance and reconnaissance support at the request of our Philippine allies,” bahagi ng pahayag ng U.S. Indo –Pacific Command.
Ayon sa ulat, ang insidente ay naganap habang nagsasagawa ng routine mission bilang bahagi ng US- Philippine security cooperation activities.
Kinumpirma din ng mga ito na walang survivor sa insidente kung saan kabilang sa mga namatay ang isang U.S. military service member at tatlong defense contractors.
Matatandaan na dakong 2:00 ng hapon nitong Huwebes nang bumagsak ang isang Beech King Air 300 fixed wing multi-engine na eroplano na may tail number na N349CA sa isang palayan sa naturang lugar.
Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.