Calendar
![Martin](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Martin-6.jpg)
Pagbaba ng presyo ng bigas sa P35/kilo pinuri ni Speaker Romualdez
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na itakda ang presyo ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa P35 kada kilo, na makakatulong upang matiyak na may pagkain sa hapag ng mga Pilipino.
Subalit bukod sa pagbaba ng presyo ng bigas, sinabi ni Speaker Romualdez na dapat tiyakin ng gobyerno na hindi lugi ang mga magsasaka sa presyo ng pagbebenta nito ng palay upang maipagpatuloy ang kanilang pagtatanim.
“Ensuring that rice remains affordable is crucial for our consumers. However, we must also ensure that our farmers receive fair compensation for their hard work,” ayon sa pinuno ng Kamara de Representantes na binubuo ng mahigit sa 300 kinatawan.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagbalanse sa pangangailangan ng mga mamimili at kapakanan ng mga magsasaka, na aniya’y napakahalaga para sa kapakanan ng lahat.
“Ang ideal na sitwasyon ay mapanatili ang mataas na farmgate price na nagbibigay ng tamang kita para sa ating mga magsasaka habang sinisiguro na ang presyo ng bigas sa merkado ay abot-kaya para sa mga mamimili,” saad nito.
Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa publiko ang gagawing pagbabantay ng Kongreso upang masiguro na naipatutupad ng tama ang pricing strategy ng gobyerno.
“We will closely observe how this policy unfolds and determine if additional government interventions are necessary to sustain it,” ayon pa sa mambabatas.
Ipinunto niya ang mahalagang papel ng mga subsidiya at iba pang programa ng gobyerno upang masiguro na hindi malulugi ang mga magsasaka.
“Nakahanda ang Mababang Kapulungan na pag-aralan ang posibleng subsidiya o targeted assistance programs para matiyak na hindi malulugi ang ating mga magsasaka habang nananatiling abot-kaya ang bigas para sa publiko,” aniya.
Hinimok din ni Speaker Romualdez ang pagkakaroon ng koordinasyon sa pagitan ng DA at NFA kasama ang mga mambabatas sa pagtiyak na walang negatibong epekto sa lokal na magsasaka ang pag-iral ng polisiya.
“I urge the Department of Agriculture and the National Food Authority to work closely with Congress to ensure that this policy does not unintentionally discourage local rice production,” ayon pa sa kongresista.
Iginiit pa niya ang pangunahing layunin ng pagsisikap na ito: “The end goal is food security—one that benefits both farmers and consumers.”
“Alam natin na hindi madali ang pagsabayin ang interes ng mga magsasaka at mamimili, ngunit ito ay mahalaga para sa ating ekonomiya at seguridad sa pagkain,” wika niya. “Patuloy nating susuriin ang epekto ng patakarang ito upang masiguro na walang sektor ang napapabayaan.”
Hinikayat din ni Speaker Romualdez ang pagkakaroon ng bukas na dayalogo sa pagitan ng mga kinauukulan sa sektor ng agrikultura.
Aniya, “It’s essential that all parties involved communicate openly to address any issues that may arise.”
Binigyang-diin pa niya ang kahandaan ng Kongreso na umaksyon kung kinakailangang magpatupad ng mga pagbabago.
“Kung kinakailangan ng mga pagbabago sa polisiya, handa kaming magbigay ng suporta upang matiyak na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga magsasaka, ay makikinabang sa repormang ito,” ayon pa kay Romualdez.
“We are committed to finding solutions that uphold the welfare of our farmers while ensuring that every Filipino has access to affordable rice,” dagdag niya.