Calendar
![Cruz](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Cruz.jpg)
Pantay na karapatan para sa lahat, isinusulong ng PAMILYA KO Partylist
TANAY, Rizal – Umarangkada na at nagtipon-tipon ang mga kasapi at tagasuporta ng PAMILYA KO Partylist sa Covered Court ng Brgy. San Isidro, Tanay, Rizal para sa kanilang kickoff rally para sa nalalapit na eleksyon ngayong Mayo.
Pinagsama-sama sa makulay na pagtitipon ang iba’t ibang mukha ng modernong pamilyang Pilipino—mula sa live-in parents, OFW families, mga biktima ng domestic abuse hanggang sa adoptive, blended, LGBTQIA+, elderly, extended families, at single parents.
Ipinagmalaki ng PAMILYA KO ang pagiging “LOVABLES”—tunay na produkto ng ating pamilyang makabago na walang politikal na koneksyon.
Hindi lamang basta politikal na plataporma, ang PAMILYA KO Partylist ay isang adbokasiya para sa pagkapantay-pantay ng karapatan ng mga di-lehitimong anak sa mga lehitimong kapatid, legalisasyon ng karapatan para sa LGBTQIA+ couples, at pag-establisa ng legal framework para sa surrogacy.
Higit pa rito, itataguyod din nito ang mga batas na sumusuporta sa solo parents, elderly, at OFW parents. Bawat patak ng paninindigan ng PAMILYA KO ay bumubuo ng isang modernong obra ng pagmamahal at pagkakaisa.
Sa naturang rally, binigyang-diin ni Atty. Anel Diaz—ang No.1 sa 2003 Bar exam—ang tatlong mahalagang punto ukol sa PAMILYA KO:
Ang pagiging tunay ng kanilang plataporma; Ang pusong nakauunawa sa hamon ng bawat pamilyang naglalakbay sa buhay; at ang paninindigan na ang salita ay sagrado at hindi basta-basta binibitawan.
Kasama rin sa selebrasyon ang second nominee na si Miguel Kallos na nagpangiti at nagpatili sa mga dumalo, lalo nang ipangako niyang palalakasin at patitibayin ang adbokasiya ng PAMILYA KO.
Nasa Kick Off Rally rin ang guest na si Sunshine Cruz, entertainers na sina Dennis Trillo, ang grupong 4th Impact, at ang energetic host na si Mosang. Mayroon ding partisipasyon mula sa mayoral candidate ng Tanay, na si Engr. Carlos Inofre, bilang paggunita sa pagkakaisa ng bawat Pilipino.