POGO

Pag-deport ng ex-POGO workers iminungkahi

12 Views

NANAWAGAN si Sen. Raffy Tulfo na i-deport lahat ng dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at hinikayat ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na tumulong sa pagpapatigil ng ilegal na operasyon ng POGO sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement noong Pebrero 13, 2025, tinanong ni Tulfo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) tungkol sa kanilang plano pagkatapos ng itinakdang deadline upang matiyak na makakauwi ang mga dating POGO workers sa kanilang mga bansa.

Ayon sa PAGCOR, matapos ang deadline noong Disyembre 31, 2024, 42 internet gaming licensees, pitong content providers at 11 support providers ang tumigil na sa operasyon.

Noong Agosto 2024, mayroong 58,181 Pilipinong POGO employees at 30,144 na dayuhang manggagawa.

Ang panawagan ni Tulfo tugma sa executive order na inilabas ni Pangulong Marcos Jr. noong Nobyembre 5, 2024 na nag-aatas ng tuluyang pagsasara ng lahat ng offshore gaming operations bago matapos ang taon.

Sa ilalim ng kautusan, ipinagbawal ang mga bagong aplikasyon ng lisensya at inatasan ang mga kasalukuyang operator na itigil ang kanilang operasyon bago sumapit ang Disyembre 31, 2024.

Sa kabila ng deadline, may mga ulat na nagpapakitang may ilang operasyon ng POGO ang nagpapatuloy pa rin.

Inihayag din ng Bureau of Immigration (BI) na tinatayang nasa 20,000 dating POGO workers ang inaasahang lalabas ng bansa bago matapos ang buwan.

Paulit-ulit na binalaan ni Tulfo ng panganib ng pananatili ng dating POGO workers sa bansa at sinabing kung hindi ito mababantayan nang maayos, maaari silang masangkot sa mga ilegal na aktibidad.

“Their job is over, because if they stick around, these POGO workers will be engaged in different crimes,” muling iginiit ni Tulfo sa pagdinig.

Ang matinding kampanya laban sa POGO ay bunsod ng mga ulat na inuugnay ang mga ito sa iba’t ibang krimen tulad ng human trafficking, panloloko sa pananalapi, at iba pang ilegal na gawain.

Sa pagdinig, sinabi ng mga awtoridad, na ang pagbabawal sa offshore gaming naglalayong pigilan ang mga problemang ito at mabawasan ang negatibong epekto sa lipunan.