Crisologo

Crisologo mas pinapaboran sa Distrito Uno

Mar Rodriguez May 4, 2022
276 Views

SA KABILA ng matinding tunggalian sa pagitan nina Quezon City 1st Dist. Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo at Artistang si Arjo Atayde para sa pagka-kongresista. Nananatili pa rin ang mataas na popularidad ng una dahil sa mainit na pagtanggap ng mga residente sa nasabing kongresista.

Ito ang personal na natunghayan ng People’s Taliba sa patuloy na pag-iikot ni Crisologo sa Distrito Uno kasama ang buong puwersa ng “Malayang Quezon City” Team na pinangungunahan ni congressman at QC Mayoralty candidate Michael “Mike” T. Defensor at iba pang candidato sa pagka-konsehal.

Mainit na sinalubong si Crisologo sa talipapa ng Barangay San Antonio kamakailan kung saan walang mapagsisidlan ang kaligayahan ng mga taong sumasalubong sa kaniya partikular na ang mga tindera, mamimili at mga residente ng nasabing Barangay.

Sinabi ng kongresista na kahit mahigpit ang laban sa pagitan nila ni Atayde ay nararamdaman nila ang mainit na pagtanggap ng mga residente ng Distrito Uno na makikita aniya sa kanilang mga pag-iikot sa iba’t-ibang barangay.

Binigyang diin ni Crisologo na ang mga ipinatayo nitong infrastraktura sa Distrito Uno ang magsisilbing katibayan na ang kaniyang paglilingkod bilang kongresista ay hindi nasayang dahil makatotohanan ang kaniyang pagse-serbisyo.

Sa mga lugar na pinuntahan nina Crisologo kabilang na ang iba pang candidato na sina Coun. Nikki Crisologo, Coun. Bong Vinsons, Drid de Castro at Jun de Leon.

Makikita naman sa mukha ng mga residente ang mainit na pagtanggap at pagpapahayag ng buong suporta sa Malayang QC Team.

Ayon sa ilang residente na nakapanayam ng People’s Taliba, mahirap anilang tibagin o magapi ang serbisyo publiko na ipinamalas ni Crisologo dahil sa ang paglilingkod nito ay sa pamamagitan ng gawa at hindi lamang sa salita.

“Ang pagpili sa isang kanidato ay hindi naman dinadaan sa pasikatan kundi sa track record. Ganito namin nakikita si congressman Onyx kaya siya ang aming iboboto dahil hindi matatawaran ang nagawa niya para sa Distrito Uno,” ayon sa isang residente.