Messages

Balitang pamimigay ng mambabatas ng P1K fake news

261 Views

TINAWAG ni Deputy Speaker at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II na “fake news” ang kumalat na text message na mamimigay ang kanyang tanggapan sa pamamagitan ni Boy Anong ng P1,000 ngayong ika-10 ng umaga ng Biyernes.

Pinag-iingat ni Gonzales ang publiko sa nasabing uri ng panloloko na malinaw na isang paraan ng paninira sa kanyang opisina.

“Fake news ito. Hindi totoo. May nakatanggap ng ganitong text. Nakipag-coordinate na kami sa mga barangay na sabihan kung sino man ang kukuha ng certificate of indigency para dito na sabihing fake at hindi totoo ito,” ani Gonzales.

Base sa text brigade, kailangan lang ipakita ang mensahe upang makakuha ng P1,000 cash assistance sa kanyang staff na si Anong sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa gusali ng Kaban ng Hiyas.

Pinagdadala rin ang nakatanggap ng fake news ng original barangay indigency, photocopy ng government-issued ID kung saan bawal ang barangay at lumang PhilHealth IDs, ballpen at Mandatrack sa pagkuha ng P1,000 na magmumula naman sa pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).