Calendar

PBBM tiniyak suporta ng gobyerno sa Negrenses
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suporta ng administrasyon sa mga Negrenses.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair sa Dumaguete City, Negros Oriental, sinabi nito na patuloy na magbibigay ang pamahalaan ng trabaho, livelihood at suporta.
“Asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay laging nandito at nakikinig sa inyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Kaya’t huwag po kayong nahihiya. Kapag kayo’y may pangangailangan, sabihan ninyo po itong magigiting nating mga LGU, mga LGU executives, sabihin ninyo ang ating mga iba’t ibang department at iba’t ibang agency kung ano ‘yung pangangailangan ninyo,” dagdag ng Pangulo.
Bukod sa alok na trabaho, nagtayo rin ang pamahalaan ng one-stop shop para sa mga naghahanap ng trabaho.
Nagtayo rin ng Kadiwa outlets sa lugar kung saan nagbebenta ng bigas ng P29 kada kilo at iba pang produkto sa murang halaga.
Layunin ng Trabaho sa Bagong Pilipinas na tulungan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na makahanap ng trabaho.
Sampung employers ang nakilahok sa job fair at nag-alok ng 1,700 na trabaho.