Kidnap

Kidnap victim nagbayad ng $20M ransom, pinutol kalahati ng kalingkingan

Edd Reyes Feb 24, 2025
22 Views

PINUTOL umano ng mga kidnaper ang kalahati ng kalingkingan sa kanang kamay ng 14-anyos na estudyante ng British School Manila (BSM) matapos dukutin sa Bonifacio Global City (BGC) noong Huwebes sa Taguig City kahit nagbayad ng $20 milyon ransom.

Kinumpirma ng paaralan sa isang kalatas ang pagkawala ng kanilang senior school student na iniulat na dinukot kasama ang driver na maghahatid sana sa biktima sa paaralan mula sa McKinley East sa BGC.

“We are working closely with the family and authorities to support the investigation.

At this time, we do not have further details to share and kindly ask that you avoid speculation and respect the privacy of the family during difficult time,” bahagi ng inilabas na kalatas ng BSM.

Inireport umano sa mga awtoridad ang pagkawala ng biktima noong Pebrero 21 at kahit nakapagbayad umano ng $20 milyon ransom ang pamilya ng biktima para siya mapalaya, pinutol pa rin ang kalahati ng kalingkingan ng bata na ipinakita pa sa video.

Gayunman, walang kumpirmasyon mula sa mga pulis kung tunay ang video ng mga kidnaper bagama’t may larawan din ang biktima na may benda ang kanang kamay.

Wala pa ring ulat ang kapulisan hinggil sa umano’y natagpuang Starex van na sinakyan ng biktima sa hindi tinukoy na eksaktong lugar sa Bulacan habang kinukumpirma pa kung buhay o patay ang driver ng bata na hindi pa rin natatagpuan.