Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

Ex-President Duterte: Isang one-man fake news factory

21 Views

MATAPANG na sinupalpal ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong akusahan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagiging diktador.

Ayon kay Ortega, si Duterte at ang kanyang mga kaalyado ay isang “factory ng fake news” na patuloy na gumagawa ng kasinungalingan upang siraan ang administrasyon diumano.

“So ewan ko, parang ano bang tawag mo doon sa ano, hari ng, father faker? Father ng mga fake news, ganoon? Mother faker? Di ko alam kung paano n’yo, paano ang itatawag natin sa kanila.

Father faker, mother faker o anong tawag sa mga anak nila, fakerist? Parang ganoon ‘yung mga dating nila, parang mga supervillains,” ani Ortega.

Idiniin din niya na ang grupo ni Duterte ay patuloy umano sa pagpapakalat ng maling impormasyon, mula sa datos hanggang sa mga rally.

“Parang factory sila ng fake news. Pati ‘yung mga data nila, pati ‘yung mga rally nila, parang talagang ano, parang literally factory ng fake news, kumbaga. Tapos ‘pag hinold sila accountable ng tao kakambiyo naman sila na joke, joke lang daw ‘yun,” dagdag niya.

Samantala, binasura rin ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur ang akusasyon ni Duterte na nagiging diktador si Marcos.

“Diktador ba ‘yung minumura ka? Ang tatay mo sinasabi kung ano-ano, tatanggalin, i-exhume, tapos itatapon sa WPS, i-threaten ang buhay mo, i-threaten ang wife mo, i-threaten ang Speaker of the House, ang pinsan mo? Tapos every time nagkakaroon sila ng rally, ang pinakapunto nila ay sirain ‘yung isang pagkatao. Hindi lang ‘yung polisiya pero ‘yung pagkatao ng isang indibidwal tulad ni PBBM,” paliwanag ni Adiong.

Iginiit din niya na hindi maituturing na diktador si Pangulong Marcos dahil iginagalang nito ang separation of powers at hinahayaan ang mga institusyon na gumana nang malaya.

“He respects the separation of powers… That’s not an indication or that’s not even an attribute of a dictator, di ho ba?” aniya.

Dagdag pa ni Adiong, walang politikal na panggigipit sa kasalukuyang administrasyon kumpara umano sa mga nagdaang pamamahala.

“Wala naman ho sa administrasyon niya na may nakaupong citizen na Chief Justice na na-quo warranto o kinasuhan. Wala ho sa administrasyon niya na may nakaupong senador na kinasuhan at pinakulong,” aniya.

Sinang-ayunan ito ni House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio ng Maynila, na sinabing malayo si Marcos sa pagiging diktador.

“Sa mga recent presidents ng bansa natin, I could easily say na si Pangulong Bongbong Marcos yata ‘yung isa sa pinakamabait. So, it’s very far from being a dictator,” ani Dionisio.

Nanawagan din siya sa mga Pilipino na itigil ang paninira sa kapwa para lamang sa pampulitikang interes.

“We are attacking ‘yung kapwa Filipino natin for what? So let’s stop for a minute and think about it. Bakit ba sinasabi ng ibang tao na diktador si Pangulong Bongbong? Ah, dahil ba may basehan? O dahil ba may interes ng paninira sa kapwa?” pagtatapos ni Dionisio.