Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez kinondena fake news na pumanaw na si Pope Francis

17 Views

KINONDENA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkalat ng maling ulat na nagsasabing pumanaw na si Pope Francis na inilarawan nitong “disturbing display of reckless misinformation.”

Kasabay nito, hinimok ni Speaker Romualdez ang publiko na maging mapanuri bago maniwala sa mga nakukuhang balita lalo na kung mula ito sa kuwestyunableng source.

“This is a troubling reminder of how ruthless and irresponsible fake news has become. Spreading false information about the Holy Father not only causes unnecessary alarm but also undermines the truth at a time when facts matter more than ever,” ani Speaker Romualdez.

Nag-viral ang isang post na nagsasabing pumanaw na si Pope Francis sa Agostino Gemelli University Hospital sa Roma. Pinabulaanan naman ito ng Vatican.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa publiko na tiyaking tama ang impormasyon bago ito ibahagi at binigyang-diin ang kahalagahan ng digital responsibility upang maiwasan ang paglaganap ng maling balita.

“Social media must not be a tool for deception,” diin ng pinuno ng 306 miyembro ng Kamara de Representantes.

“Tungkulin nating lahat na maging responsable sa impormasyong ating kinokonsumo at ibinabahagi. Ang maling impormasyon ay maaaring magpahina ng tiwala, magdulot ng kalituhan, at magdala ng pag-aalala, lalo na kung ito ay tungkol sa isang pinunong kagalang-galang tulad ni Pope Francis,” dagdag pa nito.

Hinikayat din ni Speaker Romualdez ang mga mananampalataya na ipagdasal ang kalusugan ng Santo Papa sa halip na lumahok sa pagpapakalat ng kasinungalingan.

“Rather than spreading baseless rumors, let us turn our energy toward prayer and goodwill. Pope Francis inspires millions with his wisdom and compassion, and we pray for his continued strength and good health,” aniya.

Nanawagan din si Speaker Romualdez sa mga digital platform na palakasin ang kanilang laban kontra disimpormasyon, at hinimok ang mas mahigpit na hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng fake news.

“This is a serious issue that demands action. We must work together—governments, media organizations, and tech platforms—to ensure that truth prevails over deception,” wika pa ni Speaker Romualdez.