Tulak

Bigas kapalit ng shabu, “modus” ng arestadong “drug trader” sa Ecija

Steve A. Gosuico Feb 26, 2025
26 Views

JAEN, Nueva Ecija – Bigas umano ang ibinebenta kapalit ng shabu sa modus ng isang hinihinalang tulak na nasakote ng kapulisan kasama ang isa pang kasabwat sa isang buy-bust operation bago maghatinggabi ng Lunes dito.

Ito ang natuklasan ni police chief Major Ernesto V. Esguerra matapos niyang mabasa ang text messages sa mobile phone ng isang drug suspect, kung saan inaalok umano nito sa kanyang parukyano ang droga kapalit ang bigas sa kanilang bentahan.

Kinilala ni Esguerra ang dalawang arestadong suspek na isang 40-anyos na lalaking vendor, ng Bgy. Malabon-Kaingin at kanyang kasabwat, 45-anyos na lalaking walang hanapbuhay, taga-Bgy. San Jose dito.

Nasakote ang dalawa sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Bgy. Dampulan alas-11:30 ng gabi.

Nakumpiska mula sa kanila ang plastic sachet na naglalaman ng shabu na may bigat na 2.1 gramo at nagkakahalaga ng P14,280, kabilang ang isang pulang Motorstar motorcycle na ginamit sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa inquest-filing laban sa mga naarestong suspek.