Calendar

Bgy tumanggap ng insentibo kay Dolor
MULING tumanggap mula kay Governor Humerlito “Bonz” Dolor ng taunang insentibo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ang mga opisyal ng barangay ng bayan ng Pinamalayan na ginanap sa Pinamalayan Park covered court nitong Martes, Pebrero 25.
Ang mga tumanggap ng insentibo ay barangay health workers, barangay nutrition scholars, day care workers, barangay secretary, barangay treasurer, barangay sanitary, bookkeeper at maging ang barangay justice o ang Lupong Tagapamayapa.
“Maliit man ang halaga nito ngunit pagkilala at pasasalamat ito ng pamahalaan sa malaking ambag ninyo sa ating mga barangay,” ang mensahe sa mga ito ng gobernador.
Nagbigay rin sa mga ito ang gobernador ng mga gamot, vitamins, gamit sa pagkuha ng blood pressure, kapote at bota na maaari nilang magamit sa paggampan sa kanilang mga tungkulin.
Nagkaloob din si Dolor ng tig-P5,000 tulong pinansyal para sa 149 na hog growers na naapektuhan ng pagkalat ng ASF sa lalawigan.
Nakiisa at nagpasalamat rin sa mga lingkod barangay sina Vice-Governor Ejay Falcon, Board Member Joms Dimapilis, Board Member Roland Ruga, Board Member Ahop Agate at Board Member Judy Ann Servando.