Problema ng communication gap sa public service tutugunan ni Rep. PM Vargas

Mar Rodriguez Feb 26, 2025
20 Views

NAIS tugunan ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang problema ng tinatawag na “communication gap” sa larangan ng public service.

Ayon sa House Assistant Majority Leader, upang resolbahin ang problema ng hindi pagkaka-intindihan sa mga proseso ng pakikipag-transaksiyon sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno. Isinusulong nito ang paggamit ng local dialect sa aspeto ng public service.

Ikinatuwiran ni Vargas na mas magiging madali ang pakikipag-transakisyon ng isang indibiduwal sa anomang sangay ng pamahalaan kung ang gagamitin nitong pakikipag-usap o pakikipag-komunikasyon ay ang kaniyang sariling lengguahe.

Aminado si Vargas na may mga pagkakataon na nagkakaroon ng problema ang pakikipag-komunikasyon ng isang empleyado ng gobyerno sa isang ordinaryong mamamayan dahil sa “communication gap” kung kaya’t nadidiskaril ang pakikpag-transaksiyon.

Dahil dito, ipinaliwanag ng kongresista na hindi dapat maging hadlang ang lengguahe sa public service dahil napakahalaga na ang anomang impormasyon sa pamahalaan o government information ay madaling nauunawaan ng isang ordinaryong mamamayan.

“Language should never be a barrier to public service. It is crucial that government information should be easily understood in different localities in all our regions,” wika ni Vargas.

Sinabi din ng mambabatas ang layuning ito ay nakapaloob sa isinulong niyang House Bill No. 5418 sa Kamara de Representantes na may pamagat na “Plain Language for Public Service Act”.

Ipinaliwanag ni Vargas na layunin ng kaniyang panukalang batas na ma-integrate ang “mother tongue languages” sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas sa pakikipag-transaksiyon at pagkuha ng mga public documents na magiging kombinyente sa isang ordinaryong mamamayan.