Calendar

OFW Party List namahagi ng sports equipment sa Bayombong Campus Nueva Vizcaya
SUPORTADO ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang programa ng pamahalaan na humubog ng mga bagong Pilipinong atleta kaya pinangunahan nito ang pamamahagi ng mga sports equipments para sa mga kabataang estudyante sa Nueva Vizcaya.
Sa pakikipagtulungan ng OFW Party List sa Philippine Sports Commission (PSC), namahagi si Magsino ng libo-libong sports equipment para maggamit ng mga kabataang mag-aaral ng Nueva Vizcaya State University – Bayombong Campus noong nakaraang Pebrero 20.
Sinabi ni Magsino na layunin nito na mas lalo pang paigtingin ang sports program ng mga kabataan sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas upang makapag-hubog ng mga bagong henerasyon ng mga Pilipinong atleta na susunod sa yapak ng mga kilalang Pinoy atletes.
Bukod dito, ipinaliwanag pa ng kongresista na nilalayon din ng kaniyang inisyatiba na mapa-igting ang mga sports programs sa mga paaralan at komunidad para matugunan ang recreational na pangangailangan ng mga kabataang estudyante.
“Sa pakikipagtulungan natin sa PSC, isinagawa natin ang pag-turn over ng iba’t-ibang sports equipment sa mga mag-aaral ng unibersidad. Layunin ng inisyatibang ito na paigtingin ang sports program sa mga paaralan at komunidad at matugunan ang recreational needs ng mga kabataan,” wika ni Magsino.
Kasabay nito, nakipagpulong naman si Magsino sa hanay ng mga Indigenous People Leaders sa San Jose upang pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng mga katutubo kabilang na ang pagtalakay sa mga isinusulong na programa ng pamahalaan.
“Sa naganap na diyalogo, tinalakay ang mga isyung kinakaharap ng ating mga katutubo, kabilang ang access sa mga programang kinakailangan nila. Paiigtingin natin ang ating paglilingkod hindi lamang para sa mga OFWs kundi pati narin sa ating mga katutubo,” sabi pa nito..