Rapist

Convicted rapist ng 111 menor de edad nahuli sa tulong ni Abalos

Jun I Legaspi Mar 8, 2025
21 Views

RapistIKINAGALAK ni dating kalihim at ngayo’y tumatakbo sa pagka-senador Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang conviction ng tinagurian niyang “demon” child sex trafficker na nanggahasa ng may 111 menor de edad.

Ayon kay Brig. Gen. Portia Manalad, direktor ng Women and Children Protection Center (WCPC), na kasama ni Abalos sa United Arab Emirates noong Setyembre ng nakaraang taon para arestuhin si Teddy Jay Mojeca Mejia, na umaming guilty ang child trafficker sa naging paglilitis ng Branch 88 ng Nueva Ecija at Branch 29 ng Nueva Vizcaya.

Ikwinento ni Manalad na sinimulan ng WCPC noong panahon ni dating kalihim Abalos ang imbestigasyon laban kay Mejia noong 2023 matapos matuklasan ang isang Telegram channel na nagbebenta ng child exploitation materials. Kalaunan, natunton si Mejia sa United Arab Emirates (UAE), ngunit naging hamon ang kanyang paghuli dahil sa internasyonal na saklaw ng kaso.

Binigyang-diin ni Manalad ang mahalagang papel ni Abalos sa matagumpay na operasyon laban kay Mejia.

“Humingi kami ng tulong sa DILG, at sa kabutihang-palad, si Sec. Abalos ay nagbigay ng suporta gamit ang kanyang koneksyon sa Ministry of Interior ng UAE,” ani Manalad.

“Malaking bagay ang kanyang direktang pakikipag-ugnayan sa kanila upang maisakatuparan ang operasyon.”

Ayon kay Manalad, matagal ng adbokasiya ni Abalos ang proteksyon ng mga bata laban sa online exploitation.

“Binigyan ko ng utos ang ating mga ahensya na tutukan ang online exploitation and abuse of children. Naging prayoridad ito ng gobyerno, lalo na sa DILG,” ani Manalad.

Nasakote si Mejia sa UAE noong Setyembre at inuwi sa Pilipinas sa tulong ni Abalos at ni Gen. Manalad matapos ang koordinasyon sa UAE at Interpol. Nahaharap siya sa mga kasong qualified trafficking, statutory rape, at paglabag sa Republic Act No. 9802 at Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Natukoy na 111 menor de edad, kabilang ang mga bata mula sa Taguig City na nailigtas noong Setyembre 9, 2024, ang naging biktima ni Mejia. Lumabas din sa imbestigasyon na mayroong siyam na bansa na nagkaroon ng access sa kanyang ilegal na materyales

Tinawag ni Abalos si Mejia na isang “demonyo” na sadyang nagta-target ng mga batang matatalino at mahiyain. “Isipin mo, 9 years old, 10, 11—musmos na musmos ang mga batang ito. Kapag ayaw na ng bata, tinatakot niya sila gamit ang mga pekeng hubad na larawan,” ani Abalos.

Dahil sa insidenteng ito, muling nanawagan si Abalos sa mga bansa na magpasa ng batas na magpaparusa hindi lamang sa mga gumagawa ng ganitong materyales kundi pati na rin sa mga nanonood at nagda-download ng child exploitation materials.

“Ang hindi alam ng marami, ang bawat click sa ganitong materyales ay isang paglapastangan at panggagahasa ng maituturing. Ang bawat bansa ay may responsibilidad na protektahan ang mga bata at dapat tayong makiisa sa pagpasa ng batas na magbabawal sa ganitong gawain,” aniya.

Bilang bahagi ng kanyang kampanya laban sa online child exploitation bago umalis sa puwesto upang tumakbo sa pagkasenador, naglabas si Abalos ng Memorandum Circular 2024-140 na nag-aatas sa lahat ng local government units na bumuo ng kanilang sariling ordinansa laban sa online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) at child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM), alinsunod sa Republic Act 11930.

Sinabi naman ni Manalad na dahil sa ginawang pagkaaresto kay Mejia, nagkaroon na ng malinaw na programa ang mga lokal na pamahalaan kasama ang mga barangay. “Mas naging aktibo sila upang mabigyan ng awareness at magkaroon ng mga referral mechanism kung saan pwedeng mag-report sa mga barangay. Kasi sa barangay, mas komportable at mas kilala ng mga bata kaya mas komportable silang magbigay ng impormasyon,” ayon kay Manalad.