Calendar

Balwarte ni PBBM sinuyo ni Magsino
PUSPUSAN ang ginagawang paglilibot ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa iba’t-ibang lalawigan para suyuin ang mga botante ng kanilang suporta para sa darating na halalan makaraang tunguhin ng kongresista ang Ilocandia na balwarte mismo ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Sa pagpapatuloy kaniyang campaign sortie, pinangunahan ni Magsino ang ginanap na pagpupulong kasama ang tinatayang nasa 10,000 miyembro ng Paoay OFW Party List Group sa pamamagitan ng pakikipag-diyalogo nito at pakikinig sa kanilang mga hinanaing.
Sabi ni Magsino na layunin ng kaniyang pakikipag-diyalogo na lalo pang mapalakas ang suporta at serbisyong maihahatid nito para sa mga Ovsrseas Filipino Wokers (OFWs) at kanilang pamilya.
Paliwanag ng kongresista na napakahalagang madinig nito ang hinanaing, mungkahi at pananaw ng mga OFWs at kanilang pamilya bilang paghahanda sa paghahain nito ng panukalang batas sa pagpasok ng 20th Congress pagkatapos ng halalan.
Ayon kay Magsino, sa bawat lugar at probinsiya na kaniyang pinupuntahan. Inaalam nito ang problema at hinanaing ng mga OFWs kasama na ang kanilang pamilya upang matulungan siyang makapag-balangkas ng isang panukalang batas.
Naniniwala naman si Magsino na makukuha nito ang suporta ng libo-libong OFWs pati na ang kanilang mga pamilya bunsod ng magandang performance na ipinakita nito sa ilalim ng 19th Congress sa pamamagitan ng mga isinulong nitong programa at proyekto.
“Sa darating na halalan, nawa’y muli nating suportahan ang OFW Party List na tunay na sandigan ng mga OFWs at kanilang pamilya. Sisikapin natin na ipagpatuloy ang ating mga programa at proyekto para isulong ang interes ng mga OFWs,” wika nito.
Kasabay nito, muling tiniyak ni Magsino na patuloy nitong tututukan ang ang re-integration ng mga OFWs upang matulungan silang makabalik sa Lipunan at makapagsimula ng kabuhayan.