Transport Group

Transport group todo suporta kay Isko, Chie

Edd Reyes Mar 14, 2025
14 Views

SUPORTADO sa dating mayor Isko Moreno Domagoso at Chie Atienza ng malaking grupo ng transportasyon.

Sa pahayag ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Rodelio Sotto, ang matatag na liderato, maayos na pamamahala at dedikasyon sa pagkakaloob ng serbisyo ang dahilan upang suportahan nila ang dating alkalde, sampu ng kanyang mga kinatawan sa Kongreso at konsehal ng anim na distrito ng Maynila.

Nang maupo bilang alkalde si Mayor Isko, nagawa niyang maiparamdam sa mamamayan na may gobyerno sa Maynila dahil nilinis niya ang mga lansangan, partikular ang Divisoria.

Personal din nilang nasaksihan kung paano pinangasiwaan ni Yorme ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa Maynila kahit sa dis-oras ng gabi.

Ipinaliwanag niya na nakarating sila, kasama ang mga opisyal at lahat ng miyembro, sa iisang pagpapasiya na suportahan ang buong tiket ni Domagoso matapos nilang ikumpara ang kanyang pamumuno sa kasalukuyang administrasyon.

Ang ginawang pag-endorso ng FEJODAP sa buong tiket ni Domagoso ang nagpalakas sa kanilang kandidatura sa sektor ng transportasyon lalu na’t kabilang sa kanilang pangako ang maayos na pamamahala, serbisyo at kapanatagan ng loob ng mamamayan.