Calendar

Khonghun sa mga Pinoy na pro-Tsina propagandists: Either Tsina kayo or Pinas
HINIMOK ni House special committee on bases conversion chairman Jay Khonghun ng Zambales ang gobyerno na kasuhan ng cyber libel, espionage, sedition at terorismo ang mga Pilipinong “wumaos” na nagpapakalat ng propaganda na pabor sa China at laban sa soberanya ng Pilipinas.
“Wumaos are not just online trolls. They are dangerous enablers of foreign aggression,” ayon kay Khonghun, miyembro ng tinaguriang Young Guns ng Kamara de Representantes, na ang kinakatawang lalawigan sa Kamara ay nakaharap sa West Philippine Sea (WPS).
“If their actions cross the line into aiding the enemy, spreading disinformation, or sabotaging national interest, they must be held criminally liable,” saad pa ni Khonghun, na siya ring Assistant Majority Leader sa Kamara.
Nagmula ang salitang “wumao” sa Chinese phrase na “wu mao dang” o “50-cent party,” na tumutukoy sa mga indibidwal na binabayaran upang magpakalat ng pro-government propaganda.
Sa Pilipinas, ang mga wumaos ay dumedepensa sa mga ginagawa ng China, binabalewala ang panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino, at inaatake ang gobyerno ng Pilipinas gamit ang mga online platform.
Sinabi ni Khonghun na hindi maaaring magsawalang-kibo ang gobyerno at hayaan maging tagapagsalita ng dayuhan ang mga Pilipino, lalo na’t tumitindi ang tensyon sa WPS.
Ang panawagan ni Khonghun ay kasunod ng kumpirmasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na binabantayan nito ang 20 vloggers na may kaugnayan sa mga kampanyang nagpapakalat ng maling impormasyon.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, iniimbestigahan nila ang mga vlogger na ito sa pagpapakalat ng fake news laban sa mga opisyal ng gobyerno at sa pag-uudyok ng kaguluhan sa politika.
Dagdag pa niya, iniimbestigahan din ng NBI ang posibleng mga nagpopondo at namumuno sa mga vlogger.
Ayon kay Khonghun, bagama’t mahirap patunayan ang kasong pagtataksil sa bayan o treason, may mga umiiral na batas na maaaring ipatupad laban sa mga wumaos.
Kabilang dito ang Cybercrime Prevention Act, Anti-Espionage Law, mga probisyon sa Revised Penal Code tungkol sa sedisyon o pag-uudyok ng rebelyon, at ang Anti-Terrorism Act.
“Our laws exist to protect the Republic from enemies, foreign or domestic,” aniya.
Dagdag pa niya, “If you’re a Filipino justifying China’s illegal actions, mocking our troops, and spreading lies, don’t hide behind free speech. You’re not an activist—you’re an accomplice.”
Pinaalala rin ni Khonghun na ang laban para sa soberanya ay hindi lang nagaganap sa karagatan.
“It’s on social media, in our classrooms, in our news feeds,” aniya.
Giit pa nito: “We must not let traitors win the war of narratives. You are either for the Philippines or against it. There is no middle ground when it comes to defending our sovereignty.”