Calendar

Paghahain ng Kamara ng mosyon para pasagutin si VP Sara legal — Rep. Defensor
IGINIIT ng isang miyembro ng House prosecution team na legal ang kanilang ginawang paghahain ng mosyon sa Senado upang hilingin kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na pasagutin si Vice President Sara Duterte sa inihaing Articles of Impeachment ng Kamara de Representantes.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo, hindi gagawa ang prosekusyon ng bagay na labag sa batas at wala sa panuntunan ng impeachment trial.
“Lagi naming irerespeto ang Senate president as the presiding judge ng impeachment court. At gagawa lang kami ng prosesong mga legal based on the existing Senate rules of impeachment,” sabi ni Defensor sa Radyo 630.
“Wala kaming gagawing wala sa legal na pamamaraan, at igagalang namin, kasi katulad nga ng sinabi ko, ang isang judge sa isang trial court, hindi mo naman pwede basta-basta mangbraso ka,” ani Defensor.
“You always have to respect. And what we did was based on the Senate rules and the Senate secretary accepted or received the motion filed by Congressman (Marcelino) Libanan yesterday (Martes),” dagdag pa niya.
Ang tinutukoy ni Defensor ay ang “Entry with Motion to Issue Summons” kung saan hiniling ng prosekusyon na pasagutin si Duterte sa inihaing impeachment case na nilagdaan ng 215 mambabatas o mahigit two-thirds ng 306 miyembro ng Kamara.
Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Libanan na nakapaloob ang paghahain ng naturang mosyon sa Senate rules kaugnay ng pagsasagawa ng impeachment trials.
Sa ilalim ng naturang panuntunan, pasasagutin ng Senado ang respondent sa inihaing kaso sa kanya sa loob ng 10 araw, mula sa araw na natanggap ang atas.
Batay sa impeachment timeline na inilabas ni Escudero, pasasagutin ng Senado si Vice President Sara Duterte sa Hunyo 4 pa.
Sisimulan naman ang paglilitis sa Hulyo 30, dalawang araw matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang pagbubukas ng ika-20 Kongreso.
“Ang nakikita ko po sa June 4, kapag doon sila nagsimula ay wala po sa kanilang rules of procedure. Dahil pag nai-file kaagad, sa kanilang impeachment rules ay mag-i-issue sila ng summons to the one who is being sought to be impeached in a period of 10 days from receipt of the Articles of Impeachment,” sabi niya.
“So June 4 is is not 10 days, napakalayo po niyan… With this motion, hopefully ay magagawa nila, mapapa-answer nila ang ating vice president in a period of 10 days. Otherwise, they have to amend their rules on impeachment procedure…i-amend nila sa Senado ‘yung kanilang impeachment proceedings rules,” dagdag niya.
Ipinunto rin ni Libanan na maaaring aksyunan ng Senado ang mosyon ng Kamara dahil nagtatrabaho pa rin naman ang kapulungan kahit naka-recess ang Kongreso.
Patunay aniya rito ang ginawang pagdinig ni Sen. Imee Marcos noong Marso 11 sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
“Sinasabi nila baka hindi sila makapagtrabaho dahil break na ‘yung Senado. Pero apparently, nagkaroon po sila ng hearing last Thursday, ‘yung committee ni Senadora Imee (Marcos),” sabi niya.