Calendar

MARBIL BINIGYANG-DIIN ANG PNP NON-PARTISANSHIP
INAHAYAG kahapon ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang 18.4 percent na pagbaba ng krimen sa buong bansa nitong mga nakaraan buwan at iniugnay niya ito sa sama-samang pagsisikap ng lahat ng PNP units sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Batay sa 70-araw na comparative crime statistics, bumaba mula 8,950 incidents (Nobyembre 3, 2024 – Enero 11, 2025) patungong 7,301 incidents (Enero 12 – Marso 22, 2025) ang kabuuang bilang ng Eight Focus Crimes (8FC), sinabi ng opisyal.
Malaking pagbaba rin ang naitala sa mga pangunahing kategorya ng krimen: mula 1,535 bumaba sa 1,243 ang kaso ng pagpatay (murder), mula 1,341 naging 1,021 ang homicide, at mula 1,002 naging 663 ang physical injury cases. Bumaba rin ang kaso ng panggagahasa (rape) at pagnanakaw (theft), patunay ng positibong epekto ng mga pagsisikap ng PNP sa crime reduction.
Gayunpaman, nanatiling halos pareho ang bilang ng carnapping incidents.
Kabilang sa mga rehiyong may kapansin-pansing pagbaba ng krimen ay ang Metro Manila, Calabarzon region at Central Visayas region na nasa ilalim ng pamamahal ng National Capital Region Police Office, Police Regional Office 4-A at Police Regional Office 3.
Bukod dito, bumaba rin ang Average Monthly Index Crime Rate (AMICR) mula 2.57 patungong 2.10. Ang pinakamalaking pagbaba ay naitala sa PRO 13 sa Caraga region(1.05), sinundan ng PRO 4A (-0.76) at PRO 7 (-0.69).
Samantala, bahagyang tumaas ang AMICR sa PRO-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng 0.07.
Kinilala ni Gen. Marbil ang kanyang mga opisyales at tauhan sa pagbaba ng krimen sa bansa.
“Lubos akong nagpapasalamat sa inyong lahat sa patuloy na pagsisikap upang mapababa ang crime rate. Huwag tayong magpapaapekto sa anumang negatibong balita na maaaring subukang sirain ang ating mga ginagawa—sa halip, hayaan nating magsalita ang ating mga aksyon,” anya.
“ Ang pagbaba ng krimen ay patunay ng ating disiplina, dedikasyon, at pagsusumikap para sa kapayapaan at kaayusan. Patuloy nating palakasin ang ating crime prevention strategies, pag-ibayuhin ang pakikipagtulungan sa komunidad, at pagbutihin ang ating operasyon upang mas mapanatili ang kaligtasan ng ating mga mamamayan,” dagdag pa niya.
Ayon sa PNP chief, ang patuloy na pagbaba ng crime rate ay alinsunod sa hangarin ng Pangulong Bongbong Marcos para sa Bagong Pilipinas—isang mas ligtas na bansa para sa bawat Pilipino.
Ang patuloy na pagsisikap ng PNP sa pagpapatupad ng batas at crime prevention ay nagpapatibay sa pangakong mabuting pamamahala, pampublikong seguridad, at pambansang kaunlaran, paliwanag niya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng propesyonalismo at integridad sa loob ng organisasyon at pinaalalahanan ang lahat ng pulis na manatiling patas at hindi magpapadala sa pulitika.
“Dapat nating patuloy na pangalagaan ang dangal ng ating uniporme at maglingkod nang may integridad. Suportahan natin ang ating mga tauhan at gabayan sila sa kanilang tungkulin sa halip na pagalitan sila sa harap ng publiko,” aniya.
Pinangunahan ni Gen. Marbil ang isang high-level PNP command conference sa Camp Crame noong Martes. Dinaluhan ito ng kanyang Command Group, Directorial Staff, at mga hepe ng National Support Units .
Samantala, ang lahat ng Regional Directors mula sa iba’t ibang Police Regional Offices (PROs) sa buong bansa ay lumahok sa meeting pamamagitan ng zoom.
Kabilang rin sa mga mahahalagang paksang tinalakay sa conference ang seguridad para sa nalalapit na 2025 National at Local Elections at iba pang mga isyung may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Ayon kay Gen. Marbil, mananatiling tapat ang PNP sa misyon nitong protektahan ang bayan at tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng epektibo at maagap na pagpapatupad ng batas.