MPBL

MPBL: Voyagers tuloy ang pag-angat

Robert Andaya Mar 27, 2025
83 Views

TULOY-tuloy ang pag-angat ng Pasay Voyagers sa Sen. Manny Pacquiao presents 1xBet-MPBL 2025 Season.

Sa pangunguna ni dating Mapua Cardinals star Laurenz Victoria, pinabagsak ng Voyagers ang Manila Batang Quiapo, 107-75, sa pagpapatuloy ng aksyon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Nagpasiklab si Victoria sa kanyang 17 points, five rebounds, two assists at one steal para sa Voyagers, na nagtala ng kanilang ikatlong sunod na panalo matapos mabigo sa kanilang unang laro sa round-robin elimination phase ng 30-team tournament.

Dahil dito, napili si Victoria bilang “Best Player of the Game”.

Nakatuwang niya sina Warren Bonifacio, na may 11 points, four rebounds at four assists; homegrown player Damian Lasco, na may 11 points; Cyrus Tabi, na may 10 points, 10 rebounds, six assists at three steals; at Joel Soriano, na may eight points at eight rebounds.

Ang Manila, na nakatikim ng kanilang ikatlong sunod na talo matapos manalo sa unangn laro, ay pinangunahan ng 21 points at three rebounds ni Richard Albo at 17 points at four rebounds ni Algin Andaya.

Sa iba pang mga laro, pinayuko ng Valenzuela Classics ang Marikina Shoemasters, 85-82; at winalis ng Caloocan Batang Kankaloo ang Bataan Risers, 84-71.

Namuno para sa Valenzuela sina Louie Vigil, na may 18 points, four assists at three rebounds; Kobe Monje, na may 14 points at seven rebounds; Jan Fomentgo, na may 13 points, five assists, four rebounds at two steals; Kyle Drexler Neypes, na may 11 points at 10 rebounds; at Jonathan Ralf Gesalem, na may 11 points.

Ang Valenzuela ay may 2-2 record sa kasalukuyan.

Samantala, nalasap ng Marikina ang ika-apat na sunod na kabiguan sa kabila ng 23 points at five reboounds ni Michael Angelo Macion, 11 points ni Carlo Velasco, 10 points, six rebounds at sx assists ni Jethro Escoto at 10 points at six rebounds ni Karlo Penano.

Sumandal naman ang Caloocan sa mahusay na paglalaro nina Paul Hendrix Casin (14 points, 7 rebounds) at Chris Bitoon (14 points, seven assists, two rebounds).

Para sa Bataan, may 12 points at six rebounds si Lorenz Capulong, 12 points si Hubert Cani, at eight points, seven rebounds, three assists, three steals at three blocks si Jamil Gabawan.