Calendar

Magsino ikinagalak desisyon ng SC kaugnay sa advance SSS payments para sa OFWs
IKINAGALAK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema (SC) na nagpapawalang-bisa sa sapilitang “advance Social Security Service (SSS) payment” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Magsino, malaking tulong para sa mga OFWs ang deklarasyon ng Mataas na Hukuman na labag sa Saligang Batas ang isang probisyon ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Paliwanag ni Magsino na sa ilalim ng nasabing batas, ginagawa aniya ng compulsory ang SSS coverage sa lahat ng OFWs kasama na ang mga land o sea based workers.
Subalit dagdag pa ng kongresista na sa ilalim ng Rule 14, Section 7 ng IRR ng batas, ipinataw na dapat ang babayaran nilang SSS contributions bago pa man sila makaalis ng bansa kung ang kanilang host country ay walang Social Security o Bilateral Labor Agreement (BLA) sa Pilipinas.
Sumasang-ayon si Magsino na ang probisyon sa IRR ay kumokontra sa karapatan ng mga OFW na maglakbay at sa kanilang karapatan sa kanilang mga ari-arian kung saan ang pagsasawalang-bisa nito aniya ay isang tagumpay para sa mga OFWs.
“Kinikilala natin ang kahalagahan ng SSS contributions para sa seguridad ng ating mga manggagawa, ngunit hindi ito dapat ipataw sa paraang lalong magpapahirap sa kanila. Malinaw sa atin na ang sapilitang pagbabayad ay dagdag pabigat sa mga aalis na OFWs,” wika ni Magsino.
Samantala, nagbigay pugay si Magsino para sa mga Filipino seafarers matapos magkaroon ng munting salo-salo para sa kanila bilang pagkilala sa kanilang napakalaking sakripisyo.
Sabi ng mambabatas na pinagtibay ng ginanap na pagtitipon ang kaniyang adhikain na lalo pang palakasin ang ugnayan ng OFW Party List se sektor ng mga Pilipinong Marino para makagawa sila ng mga inisyatibang magbibigay ng proteksiyon at suporta para sa mga Marino.