Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Cendana Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña

Akbayan: Tama na paggamit sa kababaihan, LGBTQI+ bilang sexist punchlines

32 Views

HINAMON ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang mga tumatakbo sa midterm elections sa Mayo na isulong ang gender sensitivity sa kanilang mga kampanya at iwasan ang mga pahayag na nakakapagpababa sa pagtingin sa mga kababaihan at miyembro ng LGBTQI+.

Ito ay kasunod ng mga ulat na may ilang tumatakbong politiko ang gumagamit ng misogynistic at sexist na mga pahayag sa kanilang mga pampublikong talumpati, kadalasang pinupuntirya ang kababaihan at LGBTQI+ para lamang makakuha ng murang tawanan at palakpakan.

“Tapos na ang panahon na ang pagiging bastos ay magiging landas sa elektoral na tagumpay. ‘Yung isang sagarang bastos nasa The Hague na,” ani Cendaña, patungkol sa imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.

“Iwan na natin sa nakaraan ang mga misogynistic at homophobic remarks. We understand that candidates want to make their speeches lively and memorable, but crude, sexist humor has no place in our politics,” sabi pa nito.

Iginiit ng Akbayan na ang mga ganitong pahayag, kahit pa itinuturing na biro, ay nagpapakita ng uri ng pagpapahalaga at pamumuno na dadalhin ng isang kandidato sa panunungkulan.

“Leadership begins on the campaign trail. If you resort to demeaning jokes now, it’s a sign of how you will govern later. Kung bastos ka mangampanya, bastos mo pamamahalaan ang mga tao,” dagdag ni Cendaña.

Bilang isa sa mga lider ng LGBTQI+ community, binigyang-diin ni Cendaña ang kahalagahan ng pagsasama ng gender sensitivity sa mga talakayang politikal.

“Simulan po sana natin sa sorties ang pagiging gender sensitive para ‘pag naluklok tayo sa Senado, Kongreso o sa lokal na pamahalaan ay maging gender sensitive at empowering din ang mga polisiya natin,” pahayag ng solon.

Nanawagan din ang mambabatas ng Akbayan sa publiko na manindigan laban sa gender-based verbal abuse at gamitin ang mga probisyon ng “Bawal Bastos Law” o Safe Spaces Act (Republic Act 11313) na inakda ni Akbayan Senator Risa Hontiveros.

Ang batas ay nagpaparusa sa gender-based harassment sa mga pampublikong lugar, opisina, paaralan at online platforms—kabilang ang catcalling, wolf-whistling, at sexist o homophobic slurs na nagdudulot ng pinsala at diskriminasyon.

Hinikayat ng Akbayan ang mga mamamayan na i-report ang mga paglabag sa mga opisyal ng barangay, Women and Children’s Desks ng Philippine National Police, o sa Commission on Human Rights.

Nanawagan din ito sa Commission on Elections at sa mga Gender and Development Focal Points ng mga ahensya ng pamahalaan na tutukan ang mga kampanya upang matukoy ang mga insidente ng gender-based misconduct.

“Hindi po ito simpleng biro,” ani Cendaña. “Sexist remarks have real consequences. It’s time to end them and uphold respect and dignity in our elections.”