Calendar

CAAP itinaas sa heightened alert mga paliparan para sa Holy Week
ITINAAS ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa heightened alert ang lahat ng 44 na komersyal na paliparan sa ilalim ng kanilang hurisdiksyon bilang paghahanda sa inaasahang 7 hanggang 10 porsyentong pagdami ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Bahagi ito ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2025 ng Department of Transportation (DOTr), na layuning tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at kahusayan ng biyahe sa himpapawid ngayong bakasyon.
Sa panayam sa radyo sa programang Sakay Na ng DOTr na ipinalabas sa Radyo Pilipinas, inanunsyo ni CAAP Director General Ret. Lt. Gen. Raul Del Rosario ang pagpapatupad ng 24/7 na operasyon sa mga pangunahing paliparan at pansamantalang suspensyon ng leave privileges ng mga mahahalagang tauhan upang matugunan ang inaasahang dagsa ng mga biyahero.
Bilang dagdag na suporta sa mga pasahero, magtatalaga rin ang CAAP ng karagdagang Malasakit Help Desks sa mga pangunahing paliparan upang magbigay ng agarang tulong at mas maginhawang biyahe para sa lahat.
Nanguna rin ang CAAP sa serye ng airport security coordination meetings at pinaigting ang pakikipag-ugnayan sa mga pangunahing ahensya gaya ng Philippine National Police – Aviation Security Unit (PNP-AVSEU), Office for Transportation Security (OTS), Department of Tourism (DOT), Civil Aeronautics Board (CAB), mga lokal na pamahalaan, at mga airline operator.
“Bahagi ito ng aming pagtupad sa pangakong maibalik ang oras ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbabawas ng aberya, pagpapagaan ng daloy ng pasahero, at pagbibigay ng agarang tulong sa buong panahon ng Semana Santa,” ani Lt. Gen. Del Rosario.
Pinaalalahanan din ng CAAP ang lahat ng pasahero na dumating nang mas maaga sa paliparan bago ang nakatakdang flight, bantayan ang mga abiso mula sa airline, at sumunod sa mga itinakdang safety protocols upang masigurong maayos at stress-free na biyahe.