Calendar
Crisologo tuloy pa rin paglilingkod sa Distrito Uno
HINDI hinayaan ng isang Metro Manila solon na pangibabawan siya ng lungkot matapos mabigo noong nakalipas na eleksiyon para makuha ang kaniyang ikalawang termino. Subalit sa kabila nito’y ipinagpapatuloy niya ang paglilingkod para sa nalalabing araw ng kaniyang termino.
Sinabi ni Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo na sa natitirang buwan ng kaniyang termino bilang kongresista ay hindi niya pababayaan ang kaniyang mga ka-Distrito sa pamamagitan ng pagbibigay nito ng serbisyo katulad ng nakagawian niyang gawin noong una siyang manungkulan.
Nabatid kay Crisologo na ipinagpapatuloy pa rin nito ang pamamahagi ng Financial Assistance Payout para sa kaniyang mga kababayan. Partikular na ang mga taga Distrito Uno na nawalan ng trabaho at hanapbuhay dulot ng COVID-19 pandemic.
“Sa natitirang halos isang buwan bilang inyong congressman hindi ko pa rin kayo pababayaan. Noong Mayo 23 ay ating binisita ang ating nasasakupan para sa pamamahagi ng Financial Assistance Payout para sa mga taga Distrito Uno,” sabi ni Crisologo.
Binabaha naman ng mensahe ang Facebook (FB) Account ng kongresista mula sa libo-libong supporters nito na nananatiling tapat sa kaniya.