Calendar
People’s Council itinatag ni Belmonte
ITINATAG ni Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte ang “People’s Council” para magkaroon ng partisipasyon ang mamamayan at iba’t-ibang sektor ng Lungsod sa mga programang isinusulong ng lokal na pamahalaan para sa kagalingan at interes ng mga taga-QC.
Kaugnay nito, nagkaroon ng “oath-taking” na pinangasiwaan mismo ni Mayor Belmonte para sa mga nahirang na “executive committee officers” ng People’s Council of Quezon City (PCQC).
Nilalayon ng PCQC na magkaroon ng papel ang mamamayan sa pamamalakad ng QC government na magsisilbi bilang isang “umbrella arm” ng 2,232 City-Accredited Civil Society Organizations na makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Belmonte na hangad din ng PCQC na tiyakin na ang lahat ng programa at policy ng QC government ay nakatutugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan ng Lungsod.
Sinabi pa ni Mayor Belmonte na ang “People’s Council ang magsisilbing mata, tenga at boses ng mamamayan sa lokal na pamahalaan. Kung saan, malaki aniya ang maitutulong nito sa pagbubuo ng mga programang nararapat para sa mga residente ng QC.
Kamakailan, nilagdaan ni Belmonte ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng City Ordinance SP-1942, S-2009 o mas kilala bilang Participation, Accountability and Transparency (PAT) Ordinance na nagpapatibay sa “partnership” sa pagitan ng QC Government at mamamayan ng Lungsod.