Comelec Source: Comelec

Mga senador nanawagan ng masusing imbestigasyon sa umano’y panghihimasok ng Tsina sa halalan

20 Views

NANAWAGAN ang ilang senador ng mas malalim at masusing imbestigasyon sa umano’y pakikialam ng Tsina sa pambansa at lokal na halalan ng Pilipinas sa Mayo, at nagbabala na ito’y seryosong banta sa soberanya at integridad ng sistemang elektoral ng bansa.

Ipinahayag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na ang anumang banta sa seguridad at pakikialam ng banyaga “constitute a serious affront to our national sovereignty and the integrity of our electoral system.”

Binigyang-diin pa ni Estrada, “The sanctity of the ballot must be protected at all costs.”

Ang kanyang panawagan naman sa mga kaugnay na ahensya: “Thoroughly investigate and hold accountable those attempting to influence our democratic process, whether they are foreign entities or local collaborators.”

Bilang paalala, tinukoy ni Estrada ang naging insidente kay dating Bamban Mayor Alice Guo.

“Minsan na tayong nabudol ng isang Alice Guo. Matuto na tayo. Dapat maging mapanuri rin ang publiko sa pagpili ng mga kandidato at alamin ang kanilang credentials at personal backgrounds,” ayon sa senador.

Sa hiwalay na pahayag, hinimok naman ni Senador Risa Hontiveros ang National Security Council (NSC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Commission on Elections (Comelec) na agarang imbestigahan ang nasabing isyu.

“Any Filipino also found to be colluding with foreign powers must be held accountable,” sinabi ni Hontiveros.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang bigat ng isyu, aniya, “This is a serious national security concern that undermines the integrity not just of our national elections, but also of our democracy.”

Dagdag pa ng senadora, dapat nang ipasa ng Kongreso ang panukalang Foreign Interference Act, sabay babala na “this will not be the last elections that China, or any other state, could meddle with.”

Pinanigan rin ni Senador Joel Villanueva ang mga panawagan at binansagan ang anumang banyagang pakikialam bilang “an affront to our democracy” o banta sa demokrasya.

Aniya, dapat magsagawa ang NSC “ng matinding pagsasaliksik at pagukilkil.” Dagdag pa niya, “We must safeguard the integrity of our elections and protect our country at all costs.”

Samantala, iniulat na nagpahayag ng pagkabahala ang Malacañang kasunod ng pahayag ng NSC na may indikasyon ng panghihimasok ng Tsina sa darating na midterm elections sa 2025.

Sa pagdinig sa Senado, kinumpirma ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na may mga indikasyon ng naturang pakikialam.

Sa kabila nito, mariing itinanggi ng Tsina ang mga paratang at sinabing wala silang interes para anila’y pakialaman ang nalalapit na eleksyon, na kabaligtaran ng mga natuklasan sa pagdinig sa Senado kamakailan lamang.