Calendar

‘Wag sirain, palitan passport ng pasahero — DOTr sa mga airlines
INATASAN ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng airline na tiyaking hindi sinasadyang o sinisira o pinapalitan ng kanilang mga tauhan ang mga pasaporte ng mga pasahero.
Ang kautusang ito’y kasunod ng mga ulat ukol sa umano’y mga insidente ng “punit passport” sa ilang paliparan.
Kamakailan lamang, iniutos ni Transportation Secretary Vince Dizon sa mga airline na ang ganitong modus, kung mapapatunayang totoo, hindi kailanman kukunsintihin.
“Kung may makita man tayong ganong insidente, kung may gumagawa ng ganitong kalokohan, sorry na lang.
Magpapatupad tayo ng mga parusa laban sa airline at sa kanilang mga tauhan,” ayon kay Secretary Dizon.
Samantala, kinumpirma ng mga immigration authority sa Denpasar, Bali, Indonesia na ang pasaporteng isinumite ng Cebu Pacific noong nakaraang linggo ay itinuturing nilang sira at hindi nila ito tatanggapin pagdating ng pasahero sa Bali.
Isang pasahero ng Cebu Pacific ang hindi pinayagang makasakay sa biyahe patungong Bali noong nakaraang linggo matapos matukoy ng tauhan ng airline na may konting sira ang kanyang pasaporte.
Bilang bahagi ng kanilang protocol, kinunan ng larawan ang dokumento at kinonsulta ang immigration ng Bali upang kumpirmahin ang assessment.
Nagsampa na ng pormal na reklamo sa Civil Aeronautics Board ang nasabing pasahero kaugnay ng insidente.
Muling pinaalalahanan ng DOTr ang publiko na laging tiyakin ang bisa at kondisyon ng kanilang pasaporte bago bumiyahe, at kumonsulta sa mga passport center o awtoridad sa paliparan kung may alinlangan.