Calendar

Pasahero sa eroplano noong Semana Santa tumaas
NAKAPAGTALA ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng pagtaas sa bilang ng mga pasahero sa mga commercially operated airports sa buong bansa noong Semana Santa.
Mula Abril 13 hanggang 20, 2025, umabot sa 597,438 pasahero ang naitala sa 22 paliparan na pinamamahalaan ng CAAP.
Ito ay 18% na mas mataas kumpara sa karaniwang bilang na 505,511 pasahero.
Nagpatupad ang CAAP ng mas pinaigting na seguridad at pinabuting serbisyo sa mga pasahero sa nasabing panahon upang matiyak ang ligtas, maayos at maginhawang biyahe ng publiko alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ipinahayag ni CAAP Director General Raul del Rosario ang kanyang pasasalamat sa lahat ng airport personnel, security units at iba pang mga katuwang para sa maayos at organisadong operasyon sa panahon ng mataas na bilang ng mga bumibiyahe.
Nananatiling matatag ang CAAP sa layunin nitong itaguyod ang kahusayan sa operasyon at ang patuloy na pagbibigay-proteksyon at ginhawa sa bawat pasahero.